Ni: PNA

ISINAGAWA ang vegetable cooking challenge sa bayan ng Calaca bilang isa sa pinakaaabangang aktibidad sa selebrasyon ng Nutrition Month ngayong Hulyo sa Batangas.

Inihayag ni Jenilyn Aguilera, public information officer ng Batangas, na ang pahusayan sa pagluluto ng gulay ay isinagawa sa apat na distrito ng lalawigan at ang Calaca ang napiling pagdausan ng aktibidad para sa unang distrito ng probinsiya.

Ayon sa kanya, sa bayan ng Mabini ginanap ang cookfest nitong Martes para sa ikalawang distrito, habang sa Agoncillo para sa ikatlong distrito, at sa Padre Garcia para sa ikaapat na distrito, na gaganapin sa Hulyo 18.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dagdag pa ni Aguilera, ang kumpetisyon ay nagpakita ng creative cooking at culinary technique gamit ang gulay bilang pangunahing sangkap. Ang ampalaya ang pangunahing sangkap sa pagluluto kaakibat ng tema ng selebrasyon na “Healthy Diet, Gawing Habit for Life.”

Naglatag na ang pamahalaang panglalawigan, sa pangunguna ng Provincial Health Office, ng mga aktibidad na naglalayong isulong ang kamalayan, impormasyon at edukasyong kailangan ng mga Batangueno sa pagpili ng masusustansiya at tamang dami ng pagkain para sa wastong nutrisyon.

Pinangunahan nina Governor Hermilando Mandanas at Provincial Health Officer Dr. Rosvilinda Ozaeta ang programa para sa buong buwan na humihikayat sa mga lokal na pamahalaan ng probinsiya na isulong ang healthy lifestyle at proper diet.

Hinimok rin ni Ozaeta ang publiko na labanan ang malnutrisyon at sobrang katabaan pati ang pag-iwas at pagkontrol sa alta-presyon, diabetes, sakit sa puso, at cancer.

Isinusulong din ng mga health official ang “10 Kumainments: Sigla at Lakas ng Buhay”, ang health code ng mga paalala sa tamang diet at wastong nutrisyon.

Binanggit ding bahagi ng kampanya ang programang “Pinggang Pinoy: A Healthy Food Plate Guide for Filipino Adults” na nagtatakda ng tamang dami ng pagkain at wastong pagkonsumo ng “3 Primary Food Groups” o “Grow, Glow and Go Food.”