Ni Dennis Principe

ISANG panalo na lamang ang kailangan ni Taekwondo jin Pauline Lopez upang makasungkit ng slot para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil. Ngunit, hindi ngumiti ang suwerte nang talunin siya ng karibal na Thai fighter sa Asian Olympic qualifier na ginanap sa Marriott Hotel sa Pasay City.

Untitled-1 copy copy

Subalit, sa halip na magmukmok, bumawi agad si Lopez nang kunin niya ang ginto sa Asian championships na ginanap din sa bansa ilang araw lamang matapos ang nasabing Olympic qualifier.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang naturang kabiguan ni Lopez noong isang taon ang pinaghuhugutan ngayon ng Los Angeles-born jin ng inspirasyon sa kaniyang asam na makasampa sa 2020 Tokyo Olympics.

“The experience made me realize that I can do this for the next Olympic cycle so right now I just started training for it. Hopefully the next time around it happens for me,” pahayag ni Lopez sa panayam ng Balita Sports.

Nasa kasagsagan ngayon ng kaniyang pagsasanay ang 20-anyos na si Lopez para sa pagsabak sa 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 13-30.

Kumpiyansa si Lopez na maidedepensa niya ang kaniyang 2015 Singapore SEA Games conquest base sa resulta ng kaniyang huling tournament kung saan nagwagi siya ng gintong medalya sa under 57kg class ng Chuncehon Korean Open na ginanap kamakailan sa Gangwon province, South Korea.

“Well, for each of our players, since we are training very hard, we expect to bag that gold medal,” ani Lopez.

Makakasama ni Lopez sa SEAG-bound Philippine Team sina 2015 SEA Games gold winner under-56kg champion Samuel Morrison, at 2016 Olympian Kirstie Elaine Alora na siyang ‘flag bearer’ ng Team Philippines.