Ni Beth Camia

NAGTUNGO kahapon sa Department of Justice si Richard Gutierrez para magsumite ng counter affidavit sa reklamong tax evasion na inihain laban sa kanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Nag-ugat ang kaso sa umano’y kabiguan ng kumpanya ni Gutierrez na R Gutz Production na magsumite ng income tax return (ITR) noong 2012, at ng dalawang quarterly value added tax returns ng kaparehong taon at dahil sa umano’y under declaration ng kinita ng kanyang kumpanya sa nabanggit ding taon.

Hinahabol ng BIR ang P38.57 milyong tax liability ni Richard at ng kanyang kumpanya.

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Nanindigan ang aktor na naghain siya ng ITR sa nabanggit na taon at nagbayad ng tamang buwis sa gobyerno.

Ipinaliwanag naman ng kanyang abogado na si Atty. Mariglen Abraham Garduque na para pabulaanan ang paratang ng BIR, nagsumite sila sa DOJ ng kopya ng ITR ng R Gutz Production noong 2012, pati na ang kumpletong VAT returns na kanilang inihain.

Premature o masyado umanong maaga ang paghahain ng BIR ng kaso sa DOJ dahil bukod sa letter of notice na hindi naman natanggap ng R Gutz, wala ring ipinadala na final assessment notice at subpoena sa kumpanya ang BIR.

Dahil dito, lumalabas umano na napagkaitan ng due process ang kanyang kliyente kaya hinihiling nila sa DOJ na mabasura ang reklamo ng ahensiya.