Ni NORA CALDERON

MAY ready smile to everyone ang bagong actor ng GMA Network na si Gil Cuerva. 

Ano na ang natutuhan niya sa pagpasok niya sa showbiz, mula sa pagiging isang fashion model na naka-base noon sa Hong Kong?

Tsika at Intriga

Cristine Reyes, Marco Gumabao in-unfollow na ang isa't isa

“Minahal ko agad ito,” sabi ni Gil. “Noong una akala ko modelling na ang mundo ko. Hindi lang sa Hong Kong, may offers na rin sa akin to model sa Singapore at sa ibang lugar sa Asia, nang dumating ang offer ng GMA Network. Pinag-isipan ko pa rin dahil I’m managed na ni Erickson Raymundo ng Cornerstone at wala naman siyang nai-offer noon na pasukin ko ang showbiz. For six months din nag-model ako for Tito Jonas Gafud ng Mercator, at wala rin akong alam na gusto pala niya akong ipasok sa showbiz, nang matapos ko na lamang ang contract ko sa kanya saka ko nalaman na balak pala niya akong ipasok din sa GMA.

“Pero ngayong nandito na ako, mas gusto kong mag-concentrate na muna, hindi na muna ako magmo-modelling. Iyong offers naman sa akin to model, hindi ko pa tinanggap kaya no problem ako. After ng ilang araw na taping, in-enjoy ko na working with my co-stars sa My Love From The Star, lalo na si Jennylyn Mercado na kalog at very supportive sa akin sa mga eksena namin. Gusto ko pang i-explore ang mundo ng showbiz at gusto ko pang gumawa ng ibang projects after ng romantic-comedy namin.”

Sinu-sino pa ba ang gusto niyang makatrabaho sa GMA Network?

“Gusto kong makatrabaho sina Marian Rivera-Dantes, Heart Evangelista at Solenn Heussaff. Crush ko rin sila.”

Hindi ba niya crush si Jennylyn?

“Given na iyon dahil siya na ang leading lady ko ngayon, natatawang sagot ni Gil.

Napapanood ang My Love From The Star gabi-gabi pagkatapos ng Mulawin vs Ravena sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal.