Ni ADOR SALUTA

REMEMBER Tony Labrusca? Siya ‘yung anak ng character actor na si Boom Labrusca na sumali sa Pinoy Boyband Superstar last year pero hindi pinalad na makasali sa top five. Pero kahit na-eliminate sa singing reality search, may inihandang plano sa kanya ang ABS-CBN -- ang maihanay siya sa mga pangunahing aktor ng network.

At mukhang tumama na naman ang panimbang ng Kapamilya think-tank, sa pag-aartista nga ang mundo ni Tony.

DANIEL copy copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nakuha ni Tony ang isang mahalagang role sa La Luna Sangre, bilang third wheel sa tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, pambihirang pagkakataon sa gaya niyang baguhan pa lamang sa industriya.

Dahil sa bigat ng kanyang role, ngayon pa lang ay pinapalagan na ang pakikisali niya sa number one love team ng KathNiel community.

Alam naman ng lahat ang KathNiel fans, may ilang hindi sumasang-ayon na magkaroon ng third party o nanggugulo sa kanilang idolo. Pero ito nga ang role ni Tony sa La Luna Sangre, kaya nakakatikim na siya ng pamba-bash ng die-hard KathNiel fans.

Nakarating na kina Daniel at Kathryn ang pambubuska ng ilang nilang avid fans sa binatang Labrusca at agad siyang nagsumamo na huwag husgahan si Tony sa role na ginagampanan lamang naman nito at ibinigay ng produksiyon.

Si Tony mismo ay pumalag sa “cyber bullying” na nararanasan bilang love interest ni Kathryn sa La Luna Sangre. Sa Facebook niya ibinulalas ang kanyang saloobin.

“I’m completely appalled by the amount of cyber bullying going on these days.Being a third party to the KathNiel love team, I know and accept that there will be bashing.

“However, I do not condone it. Especially when Kathryn and Daniel are anti-cyberbullying ADVOCATES.”

Patuloy niya, “How can KathNiel fans say ‘KathNiel or die’ and ‘respeto naman po’ when they don’t even understand nor RESPECT what they’re favorite loveteam stand for?

“This amount of hate has got to stop and it starts with me right here, right now.

“Time to spread awareness to the very real and sometimes very dangerous effects of cyberbullying,” sey ng binatang lumaki sa US.

Ipinaliwanag naman ni Daniel na role lang naman ang kanilang ginagampanan sa La Luna Sangre at dahil nga sa ilang (selfish) fans, nabu-bully ang sumusuporta sa kanilang karakter.

“I’m sure na aware si Tony na mangyayari ‘yun (bashing)... pero kailangan niyang tanggapin. And kailangan niyang tanggapin and kailangan ding tigil-tigilan ng mga fans.

“Tigilan niyo. It’s just a show,” apela ng aktor.

“Pero relax lang, huwag kayo nang-aano ng mga tao dahil hindi naman sila ‘yun, character lang nila ‘yun,” dugtong pa ni Daniel.

Sa kabilang banda, nangangahulugang effective ang pag-arte ni Tony dahil naaapektuhan ang fans sa kanyang karakter.

“Kung nagagalit kayo, e, di effective. Guys, please.”

Sabi naman ni Kathryn, “E, siguro naman, maraming naano din siguro sa character niya pero… marami rin namang natutuwa.”

Singit pa ni Daniel, “Marami ring natutuwa, kung natutuwa sila sa character ni Tony, which is good, di ba? Meaning, effective siya at natutuwa ‘yung mga tao and malaking tulong din ‘yan sa amin.

“Kaya ‘yung mga nagagalit, ganu’n naman talaga, negative, positive, it’s life,” positibong reaksiyon ni Daniel.