NI: Argyll Cyrus Geducos
Muling idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagnanais na patuloy na palakasin ang relasyon sa China at Russia hindi lamang sa larangan ng ekonomiya, kundi sa aspetong militar din.
Ipinagmalaking muli ni Duterte ang mga bumubuting relasyon na naitatag ng kanyang administrasyon kasama ang dalawang higanteng bansa
Ayon sa Pangulo, dahil hindi niya maaaring balewalain ang umiiral na mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at United States, pinili niyang hilingin ang tulong ng dalawang higante sa larangan ng ekonomiya at paglaban sa terorismo.
Gayunman, nilinaw ni Duterte na hindi siya nagsuhestiyon na bumuo ng alyansang militar sa China at Russia dahil magiging paglabag to sa kasunduan ng US at Pilipinas.
“I started to [go to China and Russia]–not really to separate [us from the US]. Because we have this RP-US pact. So I could not enter into any other military alliances — that would be a violation of the treaty,” ani Duterte.
Ngunit sa usapin ng ekonomiya a turismo, sinabi ni Duterte na malaya siyang humingi ng tulong sa ibang mga bansa.
“I can always go to other nations for help and that is why I went to China and I went to Russia,” aniya.
Inilahad niya na tulad ng China, magpapadala rin ang Russia ng tulong para ayudahan ang paglaban sa terorismo sa Mindanao, partikular sa Marawi City.
“Expect Russia to help us in due time. China has sent it. There’ll be another shipment of arms on September,” ani Duterte.
Ang tinutukoy ni Duterte ay ang P370 milyong halaga ng mga armas at bala na ipinagkaloob ng China nitong Hunyo 28 bilang suporta sa paglaban ng gobyerno sa terorismo sa Marawi City.