Ni: AFP
Lubhang kailangan ang mga bagong gamot para malunasan ang gonorrhea, isang sexually-transmitted disease na nagbabantang hindi makontrol sa pagdebelop nito resistance sa kasalukuyang antibiotics, pahayag ng UN health agency nitong nakaraang linggo.
Halos 80 milyong katao ang nahahawaan ng naturang sakit bawat taon, saad sa pahayag ng World Health Organization (WHO).
Parami nang parami ang kaso na natutuklasan ng mga doktor na nagkakaroon ng impeksiyon at hindi nagagamot ng lahat ng kilalang antibiotics.
“To control gonorrhea, we need new tools and systems for better prevention, treatment, earlier diagnosis,” sinabi ni WHO director of antimicrobial resistance, Marc Sprenger.
“We need new antibiotics, as well as rapid, accurate, point-of-care diagnostic tests.”
Ang gonorrhea, tinatawag ding “the clap”, ay isang sakit na dulot ng bacteria na naikakalat sa pamamagitan ng vaginal, oral at anal sex.
Kapag hindi nalunasan, nagdudulot ito ng makirot na pamamaga ng pelvic sa kababaihan, at infertility kapwa sa babae at lalaki. Sa malulubhang kaso, maaaring kumalat ang bacteria sa dugo at maaaring magdulot ng nakamamatay na impeksiyon ibang parte ng katawan.
Maaari itong maisalin nang direkta ng ina sa sanggol sa kanyang sinapupunan at nagdudulot ng pagkabulag sa hindi pa naisisilang na sanggol.
Ang resistance ng gonorrhea sa penicillin at tetracycline, isang karaniwang broad-spectrum antibiotic, ay unang lumutang noong 1970s sa Asia, at kumalat sa iba pang bahagi ng mundo sa unang bahagi ng 1980s, ayon sa WHO.
Ang resistance sa next level antibiotic na ciprofloxacin, ay nadebelop noong kalagitnaan ng 2000s.
Sa ngayon, ang ginagamit ay ang third generation ng gamot na tinatawag na cephalosporins -- orally-administered cefixime at injectable ceftriaxone.
“But resistance to cefixime -- and more rarely to ceftriaxone -- has now been reported in more than 50 countries,” sabi ng WHO.
Ito ang mga tinatawag na multi-drug resistant (MDR) strains.
“The bacteria that cause gonorrhoea are particularly smart,” sabi ni WHO official Teodora Wi. “Every time we use a new class of antibiotics to treat the infection, the bacteria evolve to resist them.”
Karamihan sa mga nag-uulat ng pagtaas sa MDR gonorrhea ay nasa mauunlad na bansa na pinakamaayos ang surveillance.
“These cases may just be the tip of the iceberg, since systems to diagnose and report untreatable infections are lacking in lower income countries where gonorrhoea is actually more common,” sabi ni Wi.
Resulta nito in-update ng ahensiya noong nakaraang taon ang treatment recommendations, at hinikayat ang mga doktor na gumamit ng pinagsamang antibiotics: ceftriaxone at azithromycin.
“The R & D (research and development) pipeline for gonorrhoea is relatively empty, with only three new candidate drugs in various stages of clinical development,” sabi ng ahensiya.
Hindi economically attractive sa pharmaceutical companies ang paglikha ng bagong gamot sa gonorrhea dahil sandali lamang iniinom ang gamot, hindi tulad ng chronic medicines, at kailangang patuloy na palawakin ang range ng droga sa pagdebelop ng mga resistance.
Maaaring maging resistant ang bacteria sa mga droga kapag ang mga tao ay uminom ng hindi tamang doses ng antibiotics.
Maaari ring makuha ang resistant strains direkta mula sa hayop, tubig, at hangin, o iba pang mga tao.
Kapag hindi tumalab ang karaniwang antibiotics, kailangang subukan ang mas mahal na mga uri, na nagreresulta sa mas mahabang karamdaman at gamutan, karaniwan sa mga ospital.
Matagal nang nagbabala ang mga scientist sa kinabukasan na wala nang gaganang antibiotics, isang mundo na ang mga tao ay namamatay sa sakit na sa kasalukuyan ay madaling gamutin.