Ni: Leandro Alborote
BAMBAN, Tarlac - Mga nakamotorsiklong magnanakaw ang nambiktima ng dalawang salesmen ng sigarilyo sa Barangay Anupul Miyerkules ng tanghali.
Hinoldap sa tapat ng isang tindahan sina Erwin Hidalgo, 29, ng Barangay Tibag, Tarlac City, at Allan Sadsad, 44, ng LNS Subdivision, Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni Josephine Bulaon, 44, may-ari ng tindahan, na ipinarada ng dalawa ang kanilang Mitsubishi L300 van (license plate ADJ- 6078) sa tapat ng tindahan para mag-deliver ng sigarilyo.
Habang bumababa ang dalawa sa van ay dalawang armado na nakasakay sa asul na motorsiklo na walang license plate ang lumapit.
Puwersahang kinuha ng dalawa ang wallet ni Allan na naglalaman ng mahigit sa P12,700 na collection, driver's license, personal money na P2,200 at cell phone.
Kinuha din ang wallet ni Erwin na naglalaman ng iba't ibang identification cards at P220 cash.
Ang mga suspek ay pawang nakasuot ng helmet, itim na jacket, short pants, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5'4'' at 5'6'' at tinatayang nasa edad 40-50.