Ni: Leo P. Diaz

ISULAN, Sultan Kudarat- Sampung kasapi ng Guerilla Front 73 ng New People's Army (NPA) ang iprinisinta sa isang programa sa kapitolyo ng Sultan Kudarat noong Miyerkules.

Iprinisinta nina Senior Superintendent Raul S. Supiter, direktor ng pulisya sa Sultan Kudarat, at Colonel Besmark Soliba ng 1st Mechanized Brigade ng Army ang mga sumuko kay Sultan Kudarat Governor Sultan Pax S. Mangudadatu.

Ang mga dating NPA ay sinasabing aktibo sa Sultan Kudarat at karatig na lalawigan ng Cotabato.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ang grupo ng mga sumuko ay pinamumunuan ng isang "Kumander Putao" na mula sa tribung minorya, at pawang mga residente ng Barangay Medtungoik, bayan ng Senator Ninoy Aquino.

Ang isa sa kanila ay nagmula sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Kabilang sa mga armas na isinuko ay isang Ultimax na riple, M-79 grenade launcher, Uzi 9mm submachine gun, at isang kalibre .45 na pistol.

Bilang kapalit ng kanilang pagsuko, binigyan ni Mangudadatu ang bawat rebelde ng tig-P20,000 bilang pauna sa kanilang pagbabagong buhay.

Sinabi ng isa sa mga sumuko na nilisan na nila ang NPA dahil marami sa mga pangako ng pamunuan nito ang hindi natupad. Lubhang matindi rin ang hirap na nararanasan nila sa araw-araw nilang pagtatago sa kabundukan, at madalas ay gutom at sakit ang kanilang nararanasan.