Ni: Beth Camia Rey G. Panaligan at Raymund F. Antonio

Pinalawig ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang panahon para mabayaran ni Vice President Leni Robredo ang P7.43 milyong balanse sa kanyang cash deposit na nakatakda bukas (Hulyo 14) sa kontra protestang inihain nito laban kay dating senador Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, nabayaran na nang buo ni Marcos ang P66.223 milyong hinihiling sa kanya ng PET para sa kanyang protesta na sumasakop sa 39,221 clustered precincts o kabuuang 132,446 presinto.

Sinabi ng abogado ni Robredo na si Atty. Bernadette Sardillo na pinagbigyan ng PETang kanilang kahilingan na palawigin ang pagbabayad para sa second installment ng kanilang protest fee.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Nakiusap kami sa mga mahistrado na payagan na ‘wag munang magbayad sa Biyernes at binigyan naman kami ng additional na panahon,” aniya.

Sinabi ni Sardillo na walang sinabi ang PET kung hanggang kailan ang kanilang extension for payment.

“Wala po silang sinabi. Basta ang sabi lang po sa amin mag-file daw kami ng motion,” aniya.

Nagpasya ang PET na kailangan ng nagproprotesta na magdeposito sa tribunal ng P500 para sa bawat kinukuwestiyong presinto kung kailangang dalhin ang mga ballot boxes at election documents sa tribunal.

Natalo si Marcos kay Robredo ng 263,473 boto sa 2016 vice presidential election.

Isang grupo ng kababaihan, na awardees ng Outstanding Women in the Nation’s Service, ang nagsimula ng fundraising campaign na tinatawag na “Piso Para sa Laban ni Leni” para sa kanyang election case.

Ngunit sinabi ni Robredo, sa isang panayam sa Naga City, na hindi niya matatangap ang donasyon dahil ipinagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng donasyon mula sa mga pribadong mamamayan.