Ni: Bert de Guzman
GUSTO ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na palawigin pa ng limang taon ang martial law sa Mindanao na idineklara ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong Mayo 23, 2017. Tutol dito ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Masyado raw itong mahaba o matagal. Binigyang-diin ng military na ang martial law extension ay nakadepende sa sitwasyon sa larangan o nangyayari sa Marawi City at iba pang panig ng Mindanao.
Balak ni Speaker Bebot na himukin ang Kongreso na ma-extend ang martial law hanggang 2022 (hanggang sa termino ni PDU30) upang bigyan ng sapat na panahon si Mano Digong na puksain ang terorismo at rebelyon sa Katimugan. Nagdeklara ng batas-militar ang Pangulo matapos salakayin at kubkubin ng Islamic State-inspired Maute Group (MG) ang Marawi, sunugin ang mga gusali at kidnapin ang mga sibilyan, kabilang ang parish priest ng simbahan doon na si Fr. Chito Suganob. Buhay pa kaya ang pari?
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr., AFP spokesman, na sinusuri pa nila at ng security forces kung dapat irekomenda ang extension ng ML. Gayunman, ang limang taon ay lubhang mahaba o matagal.
“The Armed Forces before it makes its recommendation to the commander-in-chief, must have enough basis, an intelligent basis, to make whatever recommendations there are for the extension or lifting,” sabi ni Padilla.
Pinahihintulutan ng 1987 Constitution ang Pangulo ng Pilipinas na mag-impose ng batas-militar sa loob ng 60 araw.
Maaari itong palawigin kung ang rebelyon o invasion ay nagpapatuloy at kailangang pangalagaan ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan. Magtatapos sa Hulyo 23 ang martial law, isang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa magkasanib na sesyon ng Kongreso sa Hulyo 24.
Para sa kolumnistang ito, kumporme ako sa planong 5-year martial law extension ni Alvarez kung may garantiya o kasiguruhan na masusugpo ang terorismo, rebelyon at invasion sa bansa. Pabor ako sa 5-taong pagpapalawig sa ML kung ganap na makukumpiska o masasamsam ng military at PNP ang lahat ng armas na hawak at iniingatan ng taga-Marawi City at ng iba pang mga tao mula sa mga bayan, lungsod at lalawigan sa buong Mindanao.
Ang pag-iingat ng mga armas o baril ng mga pribadong tao na hindi otorisado na mag-ingat ng mga ito, sa aking paniniwala, ang pinakaugat kung bakit ang karahasan, patayan, vendetta at “rido” ay nangyayari sa Mindanao. Matitiyak kaya ni Speaker Bebot na malilinis ng military at police ang Mindanao sa pag-iingat ng mga armas? Kahit wala na ang ML sa Mindanao, pero nag-iingat pa rin ng mga baril ang mga residente ng Mindanao, tiyak na patuloy ang patayan at karahasan. Bakit sa Metro Manila at ibang panig ng Luzon at Visayas, ipinagbabawal ang pag-iingat ng mga armas? Bakit sa Mindanao ay hindi magawa ng mga awtoridad ang pagbabawal? ... Takot ba sila sa mga Muslim at Ilaga kaya hindi maipatupad ang gun ban sa panig na ito ng Pilipinas? May kasabihan na higit daw na mahal ng isang lalaking Muslim o taga-Mindanao ang baril kaysa kanyang ginang. Pero, may kasabihan din namang kung walang baril, maiiwasan ang karahasan, patayan. Nais kong tanungin si Speaker Alvarez: “Kung papayag ba ang Kongreso at Supreme Court na palawigin ng 5 taon ang ML, may pag-asa bang masamsam ng AFP at ng PNP ang mga baril na iniingatan ng mga residente ng Mindanao?”