Ni: Aaron B. Recuenco
Magkakaloob ang gobyerno ng South Korea ng P330 milyong halaga ng grant aid para mapabuti ang kakayahan sa pag-iimbestiga ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng mga kasong kriminal na kinasasangkutan ng mga turista at negosyanteng Korean sa bansa.
Sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na ang grant aid ay bunga ng pag-uusap ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng South Korean embassy at serye ng mga pagpupulong at konsultasyon sa pagitan ng mga kinatawan ng dalawang bansa simula 2014.
Ipatutupad ang proyekto sa loob ng limang taon at ilulunsad sa mga pangunahing lungsod tulad ng Metro Manila, Cebu, Davao, Baguio at Angeles. Nilagdaan ito kahapon nina South Korean Ambassador to the Philippines Kim Jae-Shin at acting Interior Secretary Catalino Cuy.
Batay sa memorandum of agreement, magkakaloob ang South Korean government ng investigation equipment at mga materyales gaya ng mga sasakyan at investigation kits sa anim na PNP units na kinabibilangan ng Anti-Kidnapping Group, National Capital Region Police Office (NCRPO), Central Luzon regional police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Magbibigay-daan din ang proyekto sa pagdadadala ng mga Korean expert na magkakaloob ng consultation services at magsasagawa ng mga workshop at training sa lokal na pulisya.