NAKAKASA na ang malawakang pagkilos upang mapag-ibayo ang online connectivity ng bansa.
Sa Kongreso, naghain ng panukala si Makati Rep. Luis Campos, Jr. na mag-oobliga sa mga telecommunication service providers na Pilipinas na papagbutihin ang kani-kanilang mga network at serbisyo, kabilang na ang pagpapabilis sa kanilang koneksiyon, batay sa ipatutupad na deadline. Tinukoy sa panukala ang karaniwan nang nakadidismayang estadistika: Ang Pilipinas ang may pinakamabagal na Internet sa Asia-Pacific sa 5.5 megabits per second (mbps), kumpara sa 16 mbps ng Thailand, 9.5 mbps ng Vietnam, 8.9 mbps ng Malaysia, at 7.2 mbps ng Indonesia. Pinakamabilis sa mundo ang sa South Korea, na nasa 28.6 mbps.
May ambisyosong plano rin ang dalawang pangunahing telecom sa bansa — ang Globe at Smart — upang papag-ibayuhin ang kani-kanilang serbisyo sa bansa, ngunit napagitna sila sa bureaucratic maze ng ilang lokal na pamahalaan. Sa paglulunsad kamakailan ng One Digital Nation sa Makati, sinabi ni Globe Telecom President at CEO Ernest Cu na nagkakahalaga ng $750 million ang plano ng kumpanya para sa modernisasyon ng network, kabilang ang pagkakabit ng fiber optic wires sa 20,000 barangay, ngunit hirap itong maaprubahan ng mga lokal na pamahalaan.
Nariyan din ang mga kaso na epektibong nakapigil sa pagpapatupad ng mga plano ng telecom upang mapabuti ang serbisyo nito. Nakabimbin ngayon ang isang kasong sibil sa Makati Regional Trial Court na isinampa ng Globe laban sa isang residente na nagpapakalat ng usapin tungkol sa umano’y masamang epekto sa kalusugan na idudulot ng pinaplanong cell site sa komunidad. Sinabi ng telecom firm na ang power density level ng pinaplano nitong network ng maliliit na cell site na gumagamit ng Outdoor Distributed Antennas (ODAs) ay hindi lumalapas sa limitasyong itinakda ng Center for Device Regulation, Radiation Health, and Research. Hindi pa naipatutupad ang mga pagpupursige upang mapabuti ang serbisyo sa paggamit ng mga espesyal na fiberoptic links sa Dasmariñas Village dahil sa nasabing kaso.
Ang pinakamalaking asunto ay idinulog sa Korte Suprema. May isang taon na ang nakalipas nang makuha ng Philippine Long Distance Telephone Co. at Globe Telecom ang 700-megaherz frequency mula sa San Miguel Corp. at nangako itong magpapatupad ng mga reporma sa mga serbisyo nito sa loob ng isang taon. Subalit kinuwestiyon ng Philippine Competitive Commission (PCC) ang kasunduan na inaprubahan na ng National Telecommunications Commission (NTC). Nabigo ito sa hiniling na preliminary injunction sa Court of Appeals, ngunit kaagad ding umapela sa Korte Suprema.
Naghihintay pa rin ng resolusyon ang kaso hanggang ngayon.
Sa maraming larangan, may mga pagsisikap na mapabilis ang Internet sa bansa — sa Kongreso kung saan nakahain ang panukalang mag-oobliga sa mga telecom, sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagpapalabas ng mga permit na kinakailangan sa pagpapatayo ng mga cell site, sa mga lokal na korte kung saan kinuwestiyon ng mga residente ang usaping pangkalusugan, at sa Korte Suprema na inaasahan nating kaagad na kikilos upang masolusyunan ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan na nagpatigil sa isang malaking proyekto na magpapabuti sana sa serbisyo ng Internet sa bansa.
Sa lahat ng larangang ito, umaasa tayong makakikita ng pagbabago sa pinakamalapit na hinaharap upang maiangat ang bansa sa kasalukuyan nitong pangungulelat sa usapin ng Internet.