NI: Ellalyn de Vera-Ruiz at Argyll Cyrus B. Geducos
Anim sa sampung Pilipino ang nagsabi na tamang desisyon ang pagdedeklara ng martial law sa Mindanao upang malipol ang mga rebelde sa rehiyon, ayon sa resulta ng bagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Napag-alaman sa nationwide survey noong Hunyo 23-26, na may 1,200 respondents, na 57 porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon sa pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng martial law sa buong Mindanao, 29% ang nagsabi na sa Lanao del Sur lang dapat nagdeklara, at 11 porsiyento ang nagsabi na ang Lanao del Sur at mga karatig na probinsiya lang dapat ang isinailalim dito.
Ang bilang ng mga nagsabi na tamang desisyon ang pagdedeklara ng martial law sa Mindanao ay pinakamarami sa Mindanao na may 64%, kasunod ang Metro Manila, na may 58%, Visayas na may 57%, at ang natitira pang bahagi ng Luzon ay 53% naman.
Magkapareho ang sentimyento ng mga Pilipino sa mga siyudad na may 58%, at sa mga kanayunan na mayroon namang 56%.
Sa socio-economic class, pinakamataas ang class ABC o upper-to-middle class na may 70%, kasunod ang class E o pinakamahirap, na may 58%, at ang D o masa, na may 56%.
Samantala, ikinalugod ng Malacañang kahapon ang resulta ng pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey na ito.
Sa inilabas na statement ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sinabi niyang nauunawaan ng mga Pilipino ang kritikal na sitwasyon sa Marawi City, kaya nararapat lamang ang deklarasyon ng martial law at suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa buong Mindanao.