Ni Genalyn D. Kabiling at ulat ni Beth Camia
Handa si Pangulong Duterte na malagay sa panganib matuloy lang ang plano niyang bumisita sa lugar ng bakbakan laban sa Maute Group sa Marawi City ngayong linggo.
Hindi alintana ang kapahamakan, sinabi ng Pangulo na nais niyang magpakita ng pakikiisa sa mga sundalo at pulis na nakikipaglaban sa Maute sa siyudad.
Matatandaang dalawang beses nang nakansela ang pagbisita ni Duterte sa Marawi dahil sa masamang panahon.
“I really wanted to be there, to be just with the fighting security forces. Maski magpakita lang doon, maski matamaan [ng bala] basta dito lang sa puwet, huwag lang sa harap,” sinabi ng Pangulo nang bumisita siya sa Philippine Stock Exchange sa Makati City nitong Martes.
“I’ll try again. It’s not braggadocio,” sabi ni Duterte.
“It’s just ayaw kong magpunta doon na peaceful na. Gusto kong pumunta doon, ‘yung hindi naman ako maipasubo ng sundalo na really, basta ilayo lang ako nang kaunti,” dagdag pa ng Pangulo. “I want to be there while there is still fighting so that I can observe. I’ll try to make it again this week.”
Una nang nagpahayag ng kumpiyan ang Pangulo na matatapos na ang bakbakan sa Marawi sa loob ng 10-15 araw, ngunit nagbabalang hindi matitigil dito ang banta ng Islamic State sa bansa.
“I think in 10 to 15 days, it will be okay,” sabi ni Duterte. “But remember, the new scourge is ISIS. It will continue to haunt us because of our Muslim brothers and sisters.”
Iginiit na rin ng Presidente na mananatili ang batas militar sa Mindanao hanggang hindi kinukumpirma ng mga opisyal ng militar na ligtas na ang bansa sa banta ng terorismo at rebelyon.
Mapapaso sa Hulyo 22 ang 60-araw na martial law na idineklara ng Pangulo ilang oras makaraang salakayin ng Maute ang marawi noong Mayo 23.