NAGBABALIK na ang bangis at tapang ni Cardo (Coco Martin) sa muling pagbabalik niya sa serbisyo bilang miyembro ng Special Action Force (SAF) at handa nang sugpuin ang mga banta ng hukbo ng Pulang Araw sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Tuluy-tuloy na uli ang aksiyon gabi-gabi at masasaksihan nang muli si Cardo na nakipagbakbakan nang magdesisyong bumalik sa puwersa ng pamahalaan sa kagustuhang maipaghiganti ang pagkamatay ng anak at iligtas ang mga inosenteng buhay mula sa kamay ng mga rebelde.
Para sa unang misyon bilang SAF, agad siyang ipinadala sa labanan upang sugpuin ang mga miyembro ng Pulang Araw na nagdadala ng kaguluhan sa bayan ng San Gabriel. Kasabay nito ang patuloy na pagmamanipula sa kanya sa pagpapakita ng suporta ni Director Hipolito (John Arcilla), ang kasabwat ng rebeldeng grupo na gumawa ng mga krimen at pagmukhaing ito ang umaayos sa mga kaguluhan para sa hangarin nitong maging senador.
Sa mga panibagong pakikipaglaban ni Cardo, may mga bagong karakter ding nakilala ang mga manonood. Kasama ni Cardo sina SPO2 Gerardo Dela Paz (Ejay Falcon), PO3 Christian Clemente (Dominique Roque), SPO2 Bernardo Quinto (Ron Morales), at PO3 Katrina Velasco (Louise delos Reyes). Lalabanan nila ang mga rebelde upang mapanatili ang katahimikan sa bayan.
Abangan ang mga panganib na haharapin ni Cardo ngayong miyembro na siya ng SAF. Mabigyang hustisya na kaya niya ang pagkamatay ng kanyang anak? Malaman na kaya niya kung sino ang tunay niyang kalaban?
Huwag palampasin ang maaaksyong tagpo sa numero unong primetime teleserye gabi-gabi sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Maaari ring mapanood ang past episodes ng palabas sa iWanTV.com o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.