Ni ALI G. MACABALANG

ILIGAN CITY – Plano ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na magsagawa ng imbestigasyon sa napaulat na pamumudmod ng Bibliya at pagkakasama ng mga putahe ng karneng baboy sa mga pagkaing donasyon sa mga Muslim na Maranao evacuees mula sa Marawi City, na kasalukuyang nakatuloy sa Katolikong siyudad ng Iligan.

“We are interested to investigate such awkward acts in the guise of humanitarian aids to Muslim evacuees,” sinabi nitong Lunes ng isang ICRC volunteer worker na nakabase sa Iligan.

Nangangalap na ng materyales ang nasabing ICRC volunteer upang magabayan sila sa gagawing imbestigasyon sa insidente.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Ibinunyag kamakailan ng kapwa Kristiyanong mamamahayag na sina Ryan Rosauro at Froilan Gallardo ang ilang insidente ng pagtanggap ng Muslim evacuees noong nakaraang linggo ng mga Bibliya kasama ng mga relief pack at instant noodles na may halong karne ng baboy.

Ang mga Bibliya at iba pang relihiyosong babasahin ay ipinamahagi sa home-based evacuees sa Ceanuri Subdivision sa Barangay Tubod, Iligan, nitong Huwebes, ayon kay Rosauro.

Ang noodles na may halong karneng baboy ay ipinamahagi sa Muslim refugees sa ilang evacuation camp sa Iligan, ayon kay Gallardo, na nag-post pa sa Facebook tungkol sa insidente, at naging viral.

Tinuligsa ni Abelardo Moya, ng Mindanao Peacebuilding Institute (MPI) at ng iba pang Kristiyano ang nasabing insidente at tinawag itong isang paraan ng “transgression” laban sa mga kultura at relihiyosong paniniwala na kinakailangang matugunan.

Hinimok naman ni Ustaz Abdul Karim Ambor, dating presidente ng Iligan League of Imams, ang evacuees na manatiling mahinahon at ibigay sa kanya ang mga Bibliya habang hindi pa nasisimulan ang pormal na imbestigasyon.

Suportado naman ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman ang nasabing inisyatibo ng ICRC.

Sa nakalipas na mga linggo ay hayagang nagrereklamo si Hataman ng diskriminasyon kaugnay ng krisis sa Marawi, kabilang ang panukala sa pagkakaroon ng Muslim-only ID system sa Central Luzon, ang pagpapatapon ng dalawang pasaway na pulis-Mandaluyong sa Marawi, at ang pagbawi ng police power sa pitong Muslim na gobernador at 132 alkalde.