Ni: Genalyn D. Kabiling

Nagkasundo ang Pilipinas at China na magdaos ng ikalawang serye ng mga pag-uusap upang maayos ang iringan sa South China Sea at masilip ang mga larangan ng posibleng pagtutulungan sa ikalawang bahagi ng taon.

Ipinakikita ng bilateral consultation mechanism (BCM) ang bumubuting relasyon ng dalawang bansa, isang taon matapos magpasya ang isang international tribunal pabor sa Pilipinas sa kaso ng maritime arbitration, ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella.

“A year after the ruling of the PCA (Permanent Court of Arbitration) at The Hague, the Philippines and China are now in dialogue,” sabi ni Abella sa press briefing sa Palasyo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“They have agreed that the next meeting should be in the second half of 2017,” dugtong niya.

Kabilang sa mga posibleng pag-uusapan sa ikalawang BCM meeting ang karapatan ng mga Pilipino na mangisda sa pinagtatalunang teritoryo.

“We have the second meeting coming up within the bilateral, the bilateral meets and I’m sure items like that will be considered,” ani Abella, nang tanungin tungkol sa hirap ng ilang mangingisdang Pinoy na pumunta sa mga pinagtatalunang bahagi ng dagat dahil sa posibleng pananakot ng mga patrol ng China.

Ang unang BCM meeting, ginanap sa China nitong nakaraang Mayo, ay dinaluhan ng mga kinatawan ng foreign ministry at mga kaugnay na maritime affairs agency ng dalawang bansa. Nagkasundo sila na salitang magpupulong sa China at Pilipinas kada anim na buwan.

Sa unang BCM meeting, sinabi ni Abella na muling idiniin ng dalawang bansa ang pangako na magtulungan at maghanap ng mga paraan para palakasin ang “trust and confidence” sa mga isyung may kaugnayan sa West Philippine Sea.”

Ang bilateral dialogue ay napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa layuning mapabuti ang umasim na relasyon dahil sa iringan sa teritoryo sa dagat.