NI: Reuters

PARA sa kanyang mga nagawang pelikula na sumasalamin sa kasaysayan ng United States gaya ng Saving Private Ryan, Apollo 13 at Bridge of Spies, gagawaran si Tom Hanks ng Records of Achievement Award, pahayag ng National Archives Foundation nitong Lunes.

Tom Hanks_ copy

Tatanggapin ni Tom, 61, ang parangal, na ipinagkakaloob sa mga taong naghahatid ng malawak na kamalayan sa US history sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, sa Oktubre 21 sa National Archives Museum sa Washington, saad sa pahayag ng non-profit organization.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“As a dive into archives of almost any kind is, to me, a swim in the finest of waters, I’m dazzled to be a part of this event,” pahayag ni Tom, two-time Oscar winner, na nitong nakaraang taon ay isa sa 21 indibidwal na ginawaran ng 2016 Presidential Medal of Freedom - ang pinakamataas na US civilian honor.

“Part of my job has always been one not far from that of a lay-Historian, to understand that I am a part of the documenting of the human condition and the American idea, even in the silliest of stories,” aniya pa sa pahayag.

Napanood si Tom sa maraming pelikula na ibinatay sa mga makasaysayang pangyayari at tao, kabilang ang World War II drama na Saving Private Ryan at crime thriller na Catch Me If You Can, halaw sa tunay na istorya ng fraudster na si Frank Abagnale.

Kamakailan, nagbida si Tom sa Sully, hango sa 2009 emergency landing ng passenger flight sa Hudson River ng pilotong si Chesley Sullenberger.

Siya rin ang executive producer at co-writer/director ng 2001 World War II television miniseries na Band of Brothers.

“He’s served in World War II (sa European at sa Pacific Theaters), negotiated for the US in the Cold War, fought in Vietnam, worked in Congress, and led the space program,” sabi ni David Ferriero, archivist ng United States at board member ng National Archives Foundation.

Isa sa mga naunang pinagkalooban ng naturang award si Steven Spielberg, na nagdirehe kay Tom sa Saving Private Ryan, Bridge of Spies at sa upcoming Pentagon Papers movie na The Papers.

Kabilang din sa mga nakaraang recipients ang Pulitzer Prize-winning historian na si Ron Chernow, Tony award-winning film at theater director na si Thomas Kail at Tony award-winning Hamilton composer, lyricist at performer na si Lin-Manuel Miranda.