Nina BEN R. ROSARIO at LESLIE ANN G. AQUINO

Pinukaw muli ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang galit ng mga mambabatas na kontra sa diborsiyo matapos siyang mangako na isasama sa mga prayoridad na batas ng House of Representatives ang panukalang padaliin ang paglusaw sa kasal.

Sa isang press statement, binira ni Senior Minority Leader at Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang plano ng lider ng Kamara na labis niyang tinututulan.

Isa namang mambabatas na administrasyon, na humiling na ‘wag pangalanan, ang nagsabing hindi lulusot sa Kamara ang panukala kahit pa alisan ni Alvarez ng posisyon ang mga kokontra rito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isang panayam sa telebisyon, inilahad ni Alvarez na nangunguna sa kanyang priority legislative proposals sa ikalawang regular na sesyon ng 17th Congress, ang panukalang pahintulutan ang mga mag-asawa ng magkaroon ng joint petition para sa paglusaw sa kanilang kasal.

Sinabi ni Alvarez, umaming hiwalay sa asawang si Emelita at mayroong girlfriend, na bibigyan ng hustisya ng panukala ang mga mag-asawa na nakagawa ng matinding pagkakamali sa papasok sa kasal ngunit kalaunan ay nawalan ng pagmamahal sa isa’t isa at hindi na masayang nagsasama.

Ipinaliwanag ng lider ng House na gawing legal ng panukala ang “collusion” o pagsasabwatan ng mag-asawa para mabura ang kanilang legal union, na hindi pinapayagan sa ilalim ng Family Code.

“This proposal effectively destroys the institution of marriage in the country. This destroys the sanctity, respect and value of the family,” babala ni Atienza, isa sa mga nangungunang pro-life congressman.

Idinagdag pa niya na: “The genuine essence of marriage is totally removed from the intention of his bill with the idea to make it easy for a couple to separate. Para bang mag-usap na lang kayo, ‘pag ayaw na, hiwalay na.”

Hindi pa inihahain ni Alvarez ang panukala na hindi na kailangang kumbinsihin ng mag-asawa ang korte na ipawalang-bisa ang kanilang kasal dahil sa iba’t ibang kadahilanan na pinapayagan ng batas.

“Remember this getting married hindi pa rin perfect ‘yan. Dapat nating isiping lahat kaya tayo nabubuhay dahil gusto nating maging masaya. Bakit natin parurusahan iyong kababayan natin kung nagkamali?” katwiran ni Alvarez.

Agad na umalma ang isang obispo sa panukalang paglusaw sa kasal, na tinawag niyang balatkayong diborsiyo.

“That’s divorce whatever you call it...that’s only a camouflage,” sabi ni retired Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa isang panayam.

“The dissolution of marriage is when the marriage bond is rendered ineffective. As far as the Family Code of the Philippines is concerned and the Code on Canon Law, there is no such thing as that,” dagdag niya.

Kahit na sinabi ni Alvarez na ang panukala ay hindi divorce bill, hindi kumbinsido rito ang Catholic Bishops Conference of the Philippines National Appellate Marriage Tribunal.

“I’m sorry to say that the speaker does not know what he is talking about. What he is proposing he said is not divorce then what is it? Will the children clap their hands once their parents find it easy to separate? Is that the way it is?” tanong ni Cruz.

Ayon sa obispo, simple lamang ang solusyon sa mga hindi naniniwala sa kasal – ‘wag nang magpakasal.

“This is not a question of Catholic faith or whatever, it’s a question of reason. You got married, said yes and that’s for life and then later you will say I did not mean it? I hope I’m wrong but to me it’s a very shallow way of thinking about what marriage is all about,” diin ni Cruz.