Ni ADOR SALUTA

LUMABAS nitong nakaraang Linggo ang balita na nakatakdang sampahan ng Department of Justice (DOJ) si Vhong Navarro ng kasong rape sa modelong si Deniece Cornejo. Base ito sa magkakasunod na Facebook posts ng journalist na si Tony Calvento na nagsasabing, “This coming week Vhong Navarro will be arrested!”

VHONG copy copy

Ibinahagi rin ni Calvento ang kopya ng complaint-affidavit ni Deniece na nagsasalaysay ng diumano’y panggagahasa sa kanya ni Vhong noong gabi ng January 17, 2014, at attempted rape noong January 22, 2014.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Kaugnay din ito ng naging kontrobersiyal na pambubugbog, paggapos, at pananakot kay Vhong ng grupo ni Deniece at ng negosyanteng si Cedric Lee, sa loob ng Taguig City condo unit ng dalaga, noong gabi ng January 22, 2014.

Sa official statement na natanggap ng Philippine Entertainment Portal nitong nakaraang Hulyo 10, nilinaw ni Atty. Alma Mallonga, legal counsel ni Vhong, na wala pang pormal na resolusyon ang DOJ hinggil sa ikatlong reklamo ng panggagahasa na isinampa ni Deniece laban sa It’s Showtime host.

Sabi ni Atty. Mallonga, “We have not received any resolution recommending the filing of charges against Vhong.

“I can confirm, however, that the complaint filed by Deniece for rape almost 2 years ago — the THIRD one she has filed against Vhong — has not yet been resolved by the DOJ but that a resolution is forthcoming.”

Ayon pa kay Atty. Mallonga, tuloy ang pagdinig sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong laban sa grupo nina Deniece at Cedric.

Ipinagtataka ng abogada kung bakit nakabimbin ang ikatlong reklamong panggagahasa laban kay Vhong.

Aniya, “We have, in fact, been urging the DOJ to dismiss the third complaint, for the same reasons that the first two complaints for rape filed by Deniece had already been DISMISSED by the DOJ itself and by the City Prosecutor of Taguig (Taguig OCP): the claim for rape was found to be unbelievable, illogical, ‘astonishing and incredible as it is contrary to human frailty.’”

Sa third rape complaint-affidavit ni Deniece, idinetalye ng dalaga ang panggagahasa diumano sa kanya ni Vhong.

Sinabi ng dalaga na puwersahan umano siyang ginahasa ni Vhong matapos siyang painumin ng dala nitong alak noong gabi ng January 17, 2014.

Nakaramdam daw siya ng pagkahilo at panghihina kaya hindi nakalaban sa diumano’y pang-aabuso ng actor-TV host.

Noong January 20, 2014, o tatlong araw pagkatapos ng insidente, napag-alaman daw ni Deniece mula sa kanyang medical check-up na mayroon siyang “bacterial vaginosis” o “vaginal infection,” na nakuha diumano ng dalaga mula sa aktor/TV host.