Ni: Yahoo Celebrity
NAAGAWAN na ng titulo bilang most-watched video sa YouTube ang viral hit na Gangnam Style ni Psy.
Simula nang ilabas ang video noong 2012, nakamit nito ang pagkilala bilang kauna-unahang video sa YouTube na umabot sa isang bilyong views – ngunit ngayon ay naungusan na ito ng kantang See You Again nina Wiz Khalifa at Charlie Puth.
Ang awitin ay isinulat nina Khalifa at Puth noong 2015 bilang tribute kay Paul Walker, na nakasama sa soundtrack ng Furious 7. Sumikat ang See You Again dahil sa popular na sentimental chorus, na kinanta ni Puth ang “It’s been a long day without you, my friend / And I’ll tell you all about it when I see you again.”
Nakakagulat na tinalo ng madamdaming video na ito ang views ng Gangnam Style. Sa kasalukuyan, mayroon itong mahigit 2.898 billion views samantalang may mahigit 2.895 billion views naman ang Gangnam Style.
Nag-tweet ng pagkagulat si Puth nang malaman ang balita.
Aniya sa tweet: “For the record, I joined YouTube in 2007 hoping to make a video that would reach 10,000 views. Just heard about See You Again... wow.”
Ayon sa Billboard, ang bilang ng views ng dalawang video ay katumbas ng mahigit sa 21,000 taong panonood ng bawat isa. Dahil sa malaking bilang ng views ng Gangnam Style video ay napilitang mag-upgrade ang YouTube sa maximum na bilang ng views para sa isang video.