Ni REMY UMEREZ
ANG guwapong anchorman ng Red Alert ng ABS-CBN/DZMM na si Atom Araullo ang personal choice ng comebacking director na si Mike de Leon na gumanap sa Citizen Jake. Preferred ni De Leon ang isang performer na walang karanasan sa pagganap kaysa may pangalan nang artista.
Ikinagulat at ikinatuwa ni Atom ang pagkakapili sa kanya ng batikang direktor na nakilala nang husto simula noong dekada 70.
“Malaking karangalan ito para sa akin at hindi ko palalagpasin ang pambihirang pagkakataon na makatrabaho ang isang premyadong director na tulad ni Sir Mike,” pahayag ni Atom.
Hindi gaanong idinetalye ni Atom ang kuwento ng Citizen Jake maliban sa pagiging journalist ng karakter na siyempre pa’y nakaka-relate siya.
Madalas na controversial at ahead of its time ang mga pelikula ni Mike de Leon, kabilang na ang Sister Stella L, Batch 81 at Kakabakaba Ka Ba. Pawang award-winning ang mga nabanggit. Si Mike de Leon ang kaliga ng mga batikang director tulad nina Lino Brocka at Ishmael Bernal na idineklara bilang National Artists.