Ni: Freddie C. Velez

CITY OF MALOLOS, Bulacan – Patay ang apat na miyembro ng isang drug syndicate na kumikilos sa Bulacan at sangkot din umano sa robbery hold up at carnapping, nang salakayin ng awtoridad ang pinaghihinalaang drug den sa Barangay Caniogan sa Malolos City, kahapon.

Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office acting director Senior Supt. Romeo Caramat, Jr. ang mga napatay na sina Paquito Bernardo; Ronald Gaben; isang alyas “Toto”; at isang alyas “Dolfo”, pawang residente sa nabanggit na barangay.

Ayon kay Caramat, naaresto rin ang barangay tanod na si Rodolfo Leoncio sa buy-bust operation.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Caramat na nauwi sa bakbakan ang follow-up operation ng Malolos Police, sa pangunguna ng hepeng si Supt. Heryl Bruno, matapos na maaresto ni Leoncio sa buy-bust.

Natunugan umano ng mga suspek ang presensiya ng grupo ni Supt. Bruno nang sisimulan pa lamang ng mga ito ang operasyon.

Ayon kay Supt. Bruno, kasalukuyang kinakatay ng mga suspek ang isa umanong nakaw na motorsiklo nang gawin ang operasyon.

Sinabi ng pulisya na naghiwa-hiwalay ang grupo at nagkani-kanyang puwesto sa madilim na eskinita habang pinapuputukan ang mga pulis, at tumagal ng mahigit isang oras ang engkuwentro.

Dagdag pa ni Caramat, sinabi ni Supt. Bruno na sangkot din umano ang grupo ng mga suspek sa carnapping at sa iba pang krimen bukod sa pagbebenta ng shabu.

Nakumpiska ng pulisya ang isang .45 caliber pistol, isang 12-gauge shotgun, dalawang improvised shotgun, isang over-all uniform na pinaniniwalaang gamit sa pagnanakaw, tatlong nakaw na motorsiklo, hindi pa tukoy na gramo ng hinihinalang shabu, at drug paraphernalia.