LONDON (AP) — Pinakamatandang player si Venus Williams sa women’s Wimbledon quarterfinals mula noong 1994. Si Johanna Konta ang unang British player na nakaabot dito mula noong 1984, habang ang kabiguan ni Angelique Kerber ay pahiwatig para sa pagakyat ng bagong pangalan bilang No. 1.
Nangailangan naman si Jelena Ostapenko ng walong match point para sa panibagong panalo na patunay na hindi tsamba ang panalo niya sa nakalipas na French Open. At si Magdalena Rybarikova, ang Slovakian ranked 87th, ay nakaabot sa quarterfinal sa unang pagkakataon sa kanyang career matapos ang 36 Grand Slam tournament.
Ilan lamang ito sa mga kaganapan na nagpataas ng emosyon at gana para panoorin at dumugin ang mga laro sa distaff side ng Wimbledon.
“I mean, honestly, I didn’t think about that,” pahayag ng 13th-seeded na si Ostapenko. “But, I mean, yeah, I think I deserve to play on a better court than Court 12, I guess.”
May seating capacity na 1,065 ang court kung saan naitala niya ang 6-3, 7-6 (6) panalo kontra No. 4 Elina Svitolina.
Sinibak naman ni Garbine Muguruza si Kerber, 4-6, 6-4, 6-4 sa Court No. 2 na may capacity na 4,063.
Ginanap naman ang laro ng five-time champion na si Williams sa main stadium kung saan naitala niya ang 31 sa 36 first-serve point para madomina ang 27th-seeded na si Ana Konjuh ng Croatia, 6-3, 6-2.
“I’m sure that the women ... would want more matches on Centre or Court No. 1 over the whole fortnight,” aniya.
Sa No. 1 Court, naitala ni Konta ang 7-6 (3), 4-6, 6-4 panalo laban kay No. 21 Caroline Garcia ng France para tuldukan ang 33 taong pagkabigo ng host country na may makalaro sa quarterfinals mula nang magawa ni Jo Durie.
Ang huling Britain female champion ay si Virginia Wade noong 1977.
“I’ve dreamed of it ever since I was a little girl — to be a Grand Slam champion,” pahayag ni Konta.
Ang iba pang women’s quarterfinal matchup sa Martes (Miyerkules sa Manila) ay sina Konta vs. No. 2-seeded Simona Halep, Muguruza vs. two-time major champion Svetlana Kuznetsova at Rybarikova laban kay 24th-seeded CoCo Vandeweghe ng U.S.