IKINAGULAT ng marami ang malakas na lindol na yumanig sa Leyte nitong Huwebes. Karaniwan na sa ating bansa ang mga pagyanig na may lakas na magnitude 4 hanggang 5. Ang umuga sa Leyte ay nasa magnitude 6.5 at sa paunang ulat ay natukoy na may tatlong katao na nasawi at 72 nasugatan sa nagbagsakang hollow blocks mula sa mga gusaling gumuho sa Kananga at Ormoc City.
Sa unang bahagi ng taong ito, may lakas na magnitude 6.7 ang tumama sa Surigao sa hilaga-silangang Mindanao noong Pebrero, na sinundan ng magnitude 5.5 sa Batangas sa katimugang Luzon noong Abril. Kasunod nito, magnitude 7.2 naman ang yumanig sa Sarangani sa dulong katimugan ng Mindanao noong Mayo. At ngayon nga, makalipas ang halos dalawang buwan, ang Leyte naman sa silangang Visayas ang inuga ng magnitude 6.5, na nagdulot din ng mga pinsala sa kalapit nitong lalawigan ng Cebu, at nagbunsod ng malawakang pagkakaputol ng supply ng kuryente sa Bohol, Southern Leyte, Biliran, at Samar.
Ang huling lindol ay dapat na magpaigting sa estado ng alerto na matagal nang pinaghahandaan ng mamamayan sa Metro Manila, at itinakda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang apat na araw na earthquake drill sa Hulyo 14-17. Nagsagawa tayo ng “Shake Drill” noong Hunyo ng nakaraang taon at nakibahagi rin ang mga kalapit na lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Ang quake drill ay naging taunang aktibidad upang ihanda ang mamamayan ng Metro Manila sa pinangangambahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na magnitude 7.2 na lindol na maaaring tumama sa rehiyon anumang oras. Ang pangambang ito ay batay sa umiiral na West Valley Fault na nagsisimula sa Bulacan, tumatagos sa Metro Manila, at nagtuluy-tuloy hanggang sa katimugang Luzon. Ang fault na ito sa kailaliman ng lupa ay gumagalaw kada 400 taon, na nagdudulot ng malakas na lindol, at huli itong gumalaw 357 taon na ang nakalipas.
May pangamba ang Phivolcs na kapag tuluyan nang gumalaw ang West Valley Fault ay magbubunsod ito ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 na maaaring makapinsala sa maraming gusali sa Metro Manila. Ang mga bagong gusali ay itinayo nang may kinakailangang tatag at tibay, ngunit daan-daan ang lumang gusali sa Metro Manila na maaaring magdulot ng matinding panganib sa publiko, partikular dahil sa matao ang rehiyon.
Mahalagang maagap na kumilos ang gobyerno at ang mga pribadong aid organization upang tulungan ang mamamayan ng Leyte na katatapos lamang dumanas ng matinding dusa sa napakalakas na 6.5 magnitude na lindol. Dapat na makatulong ang mga karanasang gaya nito upang manatiling alerto ang buong bansa dahil sadyang madalas ang lindol sa Pilipinas.
Ngunit dapat na ang Metro Manila ang pinakaalerto at pinakahanda sa lahat, dahil na rin sa West Valley Fault at sa babala ng Phivolcs na ang “Big One” na may lakas na magnitude 7.1 ay maaaring tumama anumang oras, batay na rin sa kasaysayan ng paggalaw ng fault kada 400 taon.