Ni: Celo Lagmay

PALIBHASA’Y may mga kapatid sa media at mga mahal sa buhay na niyanig ng magnitude 6.5 na lindol sa Visayas, hindi makatkat sa aking kamalayan ang nakakikilabot na hudyat ng naturang kalamidad. Nabuo sa aking isipan na ang gumimbal na lindol ay maituturing na paramdam ng “The Big One” na maaaring maganap anumang oras. Huwag naman sana sapagkat ang naturang matinding lindol ay sinasabing may 7.2 magnutide na maaaring ikamatay ng mahigit 30,000 katao sa Metro Manila at ikapinsala ng bilyun-bilyong pisong ari-arian.

Kailanman ay hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang biglang pagtama hindi lamang ng lindol kundi maging ng iba pang kalamidad na tulad ng bagyo, baha at iba pa. Tulad ng laging sinasabi ni Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kailangang maging handa tayo sa lahat ng sandali, lalo na ngayon na daan-daan pa ang mga aftershocks o maliliit na pagyanig sa Visayas. Lagi nating paghandaan, isapuso at isaisip ang biglang paggalaw ng West Valley Fault, kabilang na ang sinasabing Philippine fault na mistulang nakabalatay mula sa Ilocos hanggang sa Mindanao; daan-daan nang taong hindi gumagalaw ang mga ito.

Natitiyak ko na matinding pagkatakot o trauma ang nararansasan natin dahil sa nakalipas na paglindol. Hindi ko malilimutan, halimbawa, ang lindol na nagpaguho noon sa Ruby Tower na ikinamatay ng mahigit 300 katao; ang gusali ng pinaglilingkuran naming Manila Times ay mistulang iniuugoy na duyan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi natin malilimutan ang super-typhoon Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa na ikinamatay ng 6,400 biktima. Maging ang Bohol ay niyanig din noong 2015 ng 7.2 magnitude na ikinamatay naman ng 222 katao. Nitong nakalipas na Abril, ang Batangas ay niyanig ng 5.5 earthquake na naging dahilan ng pagkawasak ng The Basilica of Saint Martin of Tours, ang pinakamalaking Simbahang Katoliko sa buong Asia. Idagdag pa rito ang pagguho ng Hyatt Hotel sa Baguio City at ng isang gusali ng kolehiyo sa Nueva Ecija na halos... magkasabay na nilindol, maraming taon na ang nakalipas.

Ang pagtukoy natin ng naturang nakakikilabot na mga sakuna ay hindi isang pananakot. Manapa, ito ay epektibong panggising upang lalo nating paigtingin ang preparasyon laban sa lindol, kabilang na ang paglahok natin sa mga pambansang earthquake drill. Kaakibat ito ng mga tagubilin ng Phivocs laban sa paglindol.

Maaaring nakakukulili na o masakit na sa pandinig, subalit marapat na nating tunghayan ang mga peryodiko, makinig sa radyo at telebisyon upang mabatid ang makabuluhang mga impormasyon tungkol sa lindol at iba pang kalamidad.

Ang lindol at iba pang likas na kalamidad, tulad ng ipinahiwatig ni Pangulong Duterte, ay kagustuhan ng Diyos.

Samakatuwid, naniniwala ako na mahalaga ang taimtim na panalangain laban sa mga panganib, lalo na sa paramdam ng The Big One.