Ni: Jean Fernando
Bulagta ang isang pulis nang makaengkuwentro ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, habang sugatan naman ang dalawang taong gulang na lalaki nang tamaan ng ligaw na bala sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si PO1 Jovy Elchico, nakatalaga sa Police Community Precinct 5 ng Taguig City Police. Siya ay nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay. Sugatan naman si Migue Denla.
Ayon kay Southern Police District Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, base sa mga ulat na isinumite sa kanya ng Taguig City police, naganap ang insidente sa kahabaan ng Manosca Street, Barangay Calzada, Tipas, bandang 5:30 ng hapon.
Aniya, nagsasagawa ng anti-criminality at anti-drug campaign ang mga tauhan ng PCP-5 sa nasabing lugar nang lapitan sila ng isang concerned citizen at isinumbong ang nagaganap na pot-session sa Kambal Buko, Bgy. Calzada, Tipas.
Sinabi ni Apolinario na agad rumesponde ang PCP-5 at binerepika ang ulat hanggang sa naabutan ang mga lalaki na pawang bumabatak.
Ayon pa kay Apolinario, sa kalagitnaan ng pag-aresto ay sinubukang tumakas ng isa sa mga suspek na kinilalang si Alvin Salvador.
Hinabol ito ni Elchico at siya ay binaril ng suspek at bumulagta.
Kasalukuyang tinutugis si Salvador.