Ni Edwin Rollon

HINIMOK ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Maxey ang mga estudyanteng atleta na magpakatatag sa harap nang anumang pagsubok upang maisakatuparan ang kanilang minimithing tagumpay para sa bayan.

Sa isinagawang pre-orientation para sa 224-member Philippine contingent na sasabak sa 9th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) School Games sa Hulyo 13-21 sa Singapore, ibinida ni Maxey na handa ang pamahalaan na suportahan ang kanilang pangangailangan upang maging kompetitibo sa international arena.

“Gawin ninyo ang inyong makakaya at kami naman sa PSC ay handang tumulong at sumuporta sa inyong mga pangangailangan,” pahayag ni Maxey sa mga atleta na pawang medalist sa nakalipas na Palarong Pambansa sa Antique.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Sasabak ang mga atleta sa athletics, badminton, sepak takraw, swimming, basketball, table tennis, lawn tennis, volleyball, artistic gymnastics, at rhythmic gymnastics.

Kasama ni Maxey na nagbigay ng mensahe at suporta sa mga atleta sa pre-departure orientation nitong Sabado sa Bulwagan ng Karunungan, Department of Education (Deped) Central Office sa Pasig City sina DepEd Asec. Tonisito Umali, at Philippine Chef-De-Mission Rizalino Jose Rosales.

“We have a competitive team. We’re confident of improving our fourth-place finish in 2014,” pahayag ni Umali.

Humakot ang Philippine Team ng 11 ginto, 14 silver at 22 bronze para pumuwesto sa likod ng Malaysia, Thailand at Indonesia. Sa 2015 edition, nagwagi ang Pinoy ng 17 medalya (tatlong ginto, tatlong silver at 11 bronze).

Ayon kay Umali, may kabuuang 1,800 atleta ang lalahok sa ASEAN School Games na may temang ‘Together As One’, na isinasagawa para isulong ang ASEAN Solidarity sa pamamagitan ng school sports at mabigyan ang mga kabataan ng higit na kaalaman para maunawaan ang kultura ng mga karatig na bansa.

Nakatakda ring dumalo sa ASEAN Schools Sports Council (ASSC) ang mga opisyal.