Ni: Ric Valmonte
AYON kay Ret. Supreme Court (SC) Associate Justice Adolfo Azcuna, hindi sinabi ng 11 mahistrado ng Korte na walang limitasyon ang kapangyarihan ni Pangulong Duterte na magdeklara ng martial law. Kaya nga umano nila kinatigan ito ay dahil mayroong isinasaad ang Saligang Batas na mga proteksiyon laban sa abuso. Aniya, iyong nirepaso ng Korte na basehan ng deklarasyon ay isa mismo sa mga limitasyon.
Ngunit, ayon sa mga mahistrado, walang kapangyarihan ang Korte na uriin ang desisyon ng Pangulo. “Kapag ginawa ito, panghihimasok na sa teritoryo ng ehekutibo at paglabag sa karapatan ng Pangulo,” anila. Ayon pa sa kanila, sa pagtiyak kung may rebelyon, ang kinakailangan lang makumbinse ay ang Pangulo na may probable cause o ebidensiya na nagpapatunay na ito ay ginawa o ginagawa.
Hindi limitasyon ang tinuran ni Azcuna lalo na kung ito ay isasaalang-alang sa relasyon sa katwiran ng 11 mahistrado na kumakatig sa martial law. Bagamat nirepaso ng Korte ang martial law declaration, ipinauubaya naman sa Pangulo ang desisyon kung nararapat ito. Nangyari na ito nang suspendehin ni dating Pangulong Marcos ang writ of habeas corpus at martial law. Pinagbigyan ng SC ang mga petisyong idinulog ng mga dinakip ni Marcos na kumukuwestiyon sa mga deklarasyon, pero tulad ng ginawa ng SC ngayon, pinanigan nito ang karapatan ng Pangulo na magdetermina ng batayan ng mga ito. Gaya ng naganap ngayon sa SC, ang dininig ng SC noon ay ang mga ebidensiyang inilahad ng militar na nakatago sa publiko. Kaya, nawala ang pagkakaiba ng probisyon ng Saligang Batas noon at ng Saligang Batas ngayon.
Naniniwala ako sa mga opinyon nina Associate Justice Leonen, CJ Sereno, AJ Carpio, at Caguioa. Matapos nilang malaman ang mga ebidensiyang iprinisinta sa kanila ng militar, idineklara ni Leonen na... unconstitutional ang martial law, samantalang kinatigan ng tatlo ang martial law sa limitadong lugar ng Marawi. Tinitingnan nila ang martial law declaration ni Pangulong Digong sa konteksto ng “public safety.” Sa kabila ng mga ebidensiyang ibinunyag sa kanila ng militar, hindi pa rin dapat idineklara ang martial law o kaya, hindi dapat sinakop ang buong Mindanao dahil hindi ito para sa kaligtasan ng publiko. Mahirap tanggapin ang sinabi ng 11 mahistrado sa kanilang desisyon na hindi dapat mawalan ng kabuluhan ang martial law dahil sa hindi makatwirang takot o dahil sa nakaraan. Ang kasaysayan ay hindi nagkakamaling guro. Itinuturo nito na ang martial law, sino man ang magdeklara, ay walang idudulot na mabuti sa bayan dahil dahas ang pamamaraan ng paggobyerno. Batas ng gubat ang pinaiiral nito.