Ni: Jun N. Aguirre
NUMANCIA, Aklan – Pinaghahanap ngayon ang isang lalaki dahil sa pamamaril at pagpatay sa nakababata niyang kapatid sa Barangay Bulwang sa Numancia, Aklan, nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay PO2 Felizardo Navarra, Jr., ng Numancia Police, namatay si Jeffrey Borrega, 34, makaraang mabaril ng kapatid niyang si Joewhan Borrega, 39 anyos.
Sinabi ni PO2 Navarra na nagkaroon ng hidwaan ang parehong lasing na magkapatid hanggang mabaril ni Joewhan si Jeffrey.
Samantala, naaresto naman ng Numancia Police si Kevin Cangson, ng Odiongan, Romblon, na isa sa mga suspek sa pamamaril at pagpatay sa tatlong barangay tanod sa isang peryahan sa Bgy. Camanci Norte.
Tatlong testigo ang umano’y nagturo kay Cangson sa pamamaril sa peryahan.