Ni: Marivic Awitan
NAISALBA ng Creamline ang matikas na pagbangon ng Air Force sa third set para maitarak ang 25-19, 25-22, 22-25, 25-12 panalo at makisosyo sa Pocari Sweat sa liderato ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference nitong Linggo sa The Arena sa San Juan.
Hataw si Alyssa Valdez sa naiskor na 23 puntos, tampok ang 20 atake at 14 digs para sandigan ang Cool Smashers, bumawi sa kabiguan sa third set sa dominanteng 9-1 simula sa fourth set tungo sa ikatlong sunod na panalo.
Kumpiyansa si Creamline assistant coach Oliver Almadro na mapapanatili ng koponan ang malinis na karta bago ang pagalis ni Valdez para makasama sa pagsasanay ng Philippine Team sa Japan.
“We really have to collect as many wins as we can because we know that Alyssa will be serving the country,” sambit ni Almandro.
Hindi na makakasama si Valdez sa laro ng Creamline kontra Power Smashers, University of the Philippines at BanKo-Perlas.
“She will be out for we don't know how many days, we don't know kung ano ang tatamaan na games. But we really have to collect as many wins as we can,” aniya.
Nag-ambag sina Pau Soriano at Rosemarie Vargas ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang kumana si Jia Morado ng 36 excellent set.
Samantala, nakopo ng Bangko-Perlas ang unang panalo nang pabagsakin ang Adamson University, 25-18, 25-16, 21-25, 25-21.
Nanguna sina dating University of the Philippines Lady Maroons Nicole Tiamzon at Kathy Bersola sa nakubrang 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Spikers.
Kumana rin si dating Lady Falcon Amanda Villanueva ng 12 marker laban sa kanyang dating koponan, habang umiskor si Amy Ahomiro ng 10 puntos para sa Spikers.