NI: Nestor L. Abrematea

TACLOBAN CITY – Labis nang nakaaapekto sa iba’t ibang sektor, partikular sa mga negosyante, ang malawakang power blackout sa Leyte simula nitong Huwebes ng hapon, at inaasahan na rin ang malaking epekto nito sa ekonomiya ng lalawigan.

Sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry-Leyte president at Palo Councilor Wilson S. Uy na kabilang ang mga negosyante sa probinsiya, partikular sa Tacloban City, sa pinakamatitinding naaapektuhan ng kawalan ng kuryente kasunod ng 6.5 magnitude na lindol nitong Huwebes ng hapon.

“The blackout in Leyte, particularly in Tacloban City, is hurting every board, particularly the economy,” sabi ni Uy.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ito rin ang sentimyento ni Tacloban Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry President Jack Uy, sinabing tanging mayayamang negosyante lamang sa Leyte ang hindi apektado ng kawalan ng kuryente dahil may pambili ang mga ito ng generator sets upang mapanatili ang negosyo.

Kapansin-pansin ngayon ang ingay sa Tacloban dahil sa napakaraming generator set na ginagamit ng mga establisimyento para may magamit na kuryente, habang ilang bangko ang mayroon ding offline na automated teller machine (ATM).

“’Yung sitwasyon namin ngayon, pareho lang ng nangyari nung tumama sa amin ang super typhoon ‘Yolanda’, naranasan din namin ang total blackout,” reklamo ng isang sidewalk vendor.

Samantala, sinabi ni Edna Legaspina, tagapagsalita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Ormoc City, na sinusubukan nila ngayon ang kanilang Ormoc substation para makapag-supply sa Tabango-Ormoc bypass line, na nakumpleto kahapon.

Kapag naging matagumpay ang testing, sinabi ni Legaspina na magkakaroon na ng kuryente ang Samar, Leyte, Biliran at Bohol mula sa Cebu.