NI: Ni FER TABOY
Nabigo ang isang 12-anyos na lalaking estudyante na maisekreto ang ginawa niyang pagpatay sa 13-anyos niyang school mate, na matagal na umano siyang binu-bully, sa Josefina, Zamboanga del Sur, iniulat kahapon.
Batay sa report ng Police Regional Office (PRO)-9, nangyari ang krimen nitong Biyernes ng hapon sa Barangay Dawa, Josefina.
Sinabi ng pulisya na estudyante ng Grade 7 ang suspek, habang Grade 8 naman ang biktima, kapwa nag-aaral sa Dawa National High School.
Ayon sa pulisya, dakong 8:00 ng umaga nitong Linggo nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng sariling tiyuhin nito sa Purok 2, Bgy. Dawa. May mga pasa sa mukha at ulo ang binatilyo.
Inihayag ng pulisya na inimbitahan nila ang suspek, kasama ang mga magulang nito, dahil may nakakita sa suspek bilang huling kasama ng biktima.
Sa harap mismo ni Josefina Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer Rosie Mundan, inamin ng bata na siya ang nakapatay sa kapwa binatilyo.
Sa salaysay ng suspek sa pulisya, mag-aalas 3:00 ng hapon nitong Biyernes at pauwi sila ng biktima nang biglang bumuhos ang ulan kaya magkasama silang sumilong sa isang coconut drier.
Kuwento ng suspek, matagal na siyang may matinding galit sa biktima dahil lagi umano siyang binu-bully nito at sa mga oras na iyon ay nakahanap siya ng pagkakataon upang maghiganti rito.
Ayon sa suspek, pinagpapalo niya sa noo at mukha ang biktima. Nang makitang patay na ito ay hinatak ng suspek ang biktima patungo sa likuran ng malalagong puno na may 30 metro ang layo sa pinangyarihan ng krimen, upang itago roon ang bangkay.
Nasa pangangalaga na ng DSWD ang suspek.