by Aaron B. Recuenco

Sinimulan na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga paghahanda para sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga bantang pambobomba at giyera sa Marawi City nitong mga nakaraang buwan.

Bahagi ng mga paghahanda ang pinaigting na intelligence-gathering, at sa ngayon ay wala pang nasusubaybayan ang NCRPO intelligence-community na anumang seryosong banta sa SONA ni Duterte, na nakatakda sa Hulyo 24.

Gayunman, sinabi ni Director Oscar Albayalde, NCRPO chief, na patuloy nilang ipatutupad ang pinaigting na security protocol upang hindi magkakaroon ng pagkakataon ang sino mang nagbabalak ng pag-atake o pananabotahe sa SONA.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Libu-libong anti-riot police ang inaasahang itatalaga malapit sa Batasang Pambansa sa Quezon City kung saan gaganapin ang SONA, gayundin sa mga lugar na karaniwang pinagtitipunan ng mga nagpoprotesta gaya ng Mendiola sa Manila, Welcome Rotonda at Quezon Memorial Circle.

“We will exercise maximum tolerance,” sabi ni Albayalde, idiniin na hindi ang mga pulis ang magsisimula ng anumang kaguluhan.

Binabalak din ng NCRPO chief na makipagpulong sa mga lider at organizer ng mga grupong nagbabalak na magdaos ng kilos protesta sa panahon ng SONA.

Sinisikap ng pulisya na maiwasang maulit ang bomb attack sa Quiapo, Maynila nitong Abril habang ginaganap ang ASEAN Meeting sa bansa.