ni Genalyn D. Kabiling

Posibleng wala nang tumutol mula sa ibang sangay ng gobyerno sakaling palawigin ni Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao, sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

“Nakita naman natin na sinuportahan ng Kongreso, sinuportahan ng Senado, sinuportahan din ng Judiciary, ng Korte Suprema [ang martial law]. So lahat ng co-equal branch of government ay nagkaisa sa deklarasyon ng martial law at naniniwala sila na ito ay karapat-dapat lamang sa isla ng Mindanao,” sabi ni Andanar sa panayam ng radyo.

“Sa palagay ko kung kailangan itong palawigain pa, hindi na magkakaproblema. Lalo na kung ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa Mindanao, kung nandiyan pa rin [ang krisis sa Marawi],” ani Andanar.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Dagdag niya, tuluy-tuloy ang operasyon ng gobyerno sa Marawi laban sa Maute Group, at umaasa ang lahat na matatapos na ito sa lalong madaling panahon.

Una nang idineklara ng Pangulo na hindi niya babawiin ang batas militar bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.

Ayon sa Pangulo, nakadepende sa rekomendasyon ng militar kung babawiin o palalawigin pa niya ang martial law sa Mindanao.