SASAGUTIN ng Department of Health ang pagpapagamot sa mga nasugatan nang yumanig ang 6.5 magnitude na lindol sa Leyte nitong Huwebes.
Hindi na kailangan pang mag-alala ng mga dinala sa pampublikong ospital sa gastusin sa pagpapagamot.
“[Those people] will not pay any fee. It’s always free,” sinabi ng tagapagsalita ng Department of Health, si Dr. Eric Tayag, sa isang panayam nitong Sabado.
Para naman sa mga taong kumonsulta sa pribadong ospital, aniya, makikipag-ugnayan sina Undersecretary Herminigildo Valle at Health Secretary Paulyn Ubial sa mga naturang ospital upang mapababa ang gastos ng mga pasyente sa tulong ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Nakipagkasundo na rin ang Department of Health sa mga pribadong ospital na tanggapin ang mga biktima ng krisis sa Marawi, kung hindi na maaasikaso ng mga pampublikong ospital ang mga ito. Hindi naman dapat pang pangambahan ang gastusin dahil kaakibat ang PhilHealth sa mga bayarin sa ospital.
Inilagay na sa Code Blue Alert ang lahat ng ospital sa mga lugar na naapektuhan ng lindol. Sa pamamagitan nito, inaatasan ang lahat ng kawani ng ospital na maging handa.
Dalawang katao ang napaulat na nasawi at 138 ang kabuuang isinugod sa mga ospital dahil sa natamong mga sugat.
Una nang inihayag ni Tayag na magpakonsulta sa mga eksperto ang mga nasugatan ng lindol, kahit pa ito ay maliliit na injuries lamang.
Ayon sa kanya, ang mga injury na karaniwang nakukuha ng publiko sa lindol ay bukol o sugat sa ulo, pagkabali ng buto, at mga hiwa na maaaring maimpeksiyon at mauwi sa tetano.
“It is important to check if one is suffering from internal hemorrhage or a tetanus infection so that necessary health intervention could be done at the soonest time,” sabi ni Tayag. - PNA