Ni: Danny J. Estacio
CABUYAO, Laguna – Isang 23-anyos na estudyante ang naaresto ng pulisya makaraang maaktuhan umano sa pagbebenta ng choco jelly candy na may marijuana sa Malayan College of Laguna sa South Point, Barangay Banay-banay sa Cabuyao, Laguna, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Office director Senior Supt. Cecilio R. Uson Jr. ang suspek na si Jan Allen R. Ledesma, ng Bgy. West Molino sa Bacoor, Cavite.
Batay sa report, naaktuhan umano ng mga pulis, sa pangunguna ni Supt. Vicente S. Cabatingan, ng Laguna Intelligence Branch Drug Enforcement Group, si Ledesma habang nagbebenta ng choco jelly candy na may marijuana.
Ayon sa pulisya, nasamsam umano sa suspek ang dalawang medium-sized plastic sachet na may jelly na may kahalong marijuana, dalawang maliliit na glass na may marijuana, limang plastic ng choco jelly na may marijuana, pitong powdered jelly mix, flour wooden pipe, isang compact grinder, at marked money.
Samantala, sa San Pedro City ay siyam na marijuana brick naman ang nakumpiska ng Laguna Provincial Intelligence Branch at Special Weapons and Tactics (SWAT), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Laguna, at San Pedro Police, sa pagpapatupad ng search warrant na nauwi sa pagdakip kay Bobby Albert Babcock, ng Park Spring, Bgy. San Antonio.
Tinaya ng pulisya sa P250,000 ang kabuuang halaga ng nakumpiskang marijuana mula kay Babcock, bukod pa sa iba’t ibang hinihinalang marijuana-laced chocolates, dalawang marijuana fruiting top, marijuana seeds, drug paraphernalia, at isang Mitsubishi Strada (WLO-708).