Ni REGGEE BONOAN

HINDI kami kuntento sa mga sagot ni Empoy Marquez sa Q and A sa presscon ng Kita Kita kaya nag-request kami ng one-on-one interview sa kanya. Gusto rin naming malaman kung sino o ano ‘yung binabanggit niyang ‘kalaro’ kada weekend kapag pinag-uusapan ang love life niya.

Wala kasing inamin kung may girlfriend ang aktor kaya ito kaagad ang tanong namin nang masolo namin siya.

Empoy at Alessandra
Empoy at Alessandra
“Wala po akong girlfriend ngayon,” kaswal na sabi ni Empoy.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ano ‘yung ‘kalaro’ na binabanggit niya?

“Wala, wala po ‘yun, ano lang, kaibigan non-showbiz. Ano po kasi merong something na ano... nangyari dati at nasa Singapore na siya ngayon at nakapag-asawa na ro’n, kaya medyo ano muna ako, pass muna ako,” seryosong kuwento ni Empoy.

Nagtagal din ba ang naging relasyon nila?

“Two years din po.”

May anak na ba siya?

“Ay, wala pa po, pinag-aaral ko pa po mga pamangkin ko, ha-ha, sinabi ko raw talaga ang totoo.”

Bakit pamangkin kaagad, wala ba siyang mga kapatid na pinag-aral?

“Mga graduate na po silang lahat, kaya mga pamangkin naman.”

Dating Star Magic talent si Empoy at matagal na siyang umalis roon.

“Nag-Star Magic po ako simula 2003 hanggang 2007. ‘Tapos nu’ng 2008 po, nasa TV5 na ako no’n, ‘tapos napunta rin ako kay Kuya Ogie (Alcasid) sa A-TEAM, one year po ako sa kanya. Habang wala po akong manager dati, ang nakikipag-negotiate po, ‘yung sister ko na nasa Roxas City po.”

Sumakto naman na nakatrabaho ni Empoy ang isa sa Spring Films producer na si Erickson Raymundo ng Cornerstone at nalamang wala siyang manager kaya nag-usap sila, kaya ngayon ay may manager uli ang komedyante.

Ang haba at kapal ng buhok ni Empoy, hindi ba siya naasiwa? Ayaw ba niyang magpagupit?

“Hindi ko po ito pinagugupit, susunod na project, magpapagupit na ako, tatanggalin lang ‘yung mga lawit-lawit. Gusto ko lang pong maiba kaya mahaba ang buhok ko,” katwiran ng aktor.

Halos lahat ng napanood naming karakter ni Empoy sa pelikula at telebisyon ay lagi siyang nagpapatawa, nasubukan na ba niyang maging seryoso?

“Meron naman po, sa mga indie films dati, kay Direk Ato Bautista, Sa Aking Pagkakagising sa Kamulatan (2005) at Carnivore (2008), mga indie po lahat. Ang kasama ko po sina Ketchup Eusebio, Carlo Aquino, Cholo Barretto, Archie Alemania, mga kaibigan ko po ‘yun,” seryosong sabi ni Empoy.

Wala pa siyang award, pero dahil Graded A ang Kita Kita sa Cinema Evaluation Board ay posibleng mapansin na siya ng award-giving bodies sa susunod na taon.

Hindi raw alam ng aktor na nakakatawa siya.

“Na-discover po ng mga kaklase ko nu’ng high school na nakakatawa pala ako kaya, itinuluy-tuloy ko na po.”

Kinakabahan si Empoy sa Kita Kita dahil siya ang title role.

“Opo, kasi nag-advance screening na kami sa UP (University of the Philippines) nu’ng last month, okay naman po ang feedback, ‘tapos sa premiere night, puro celebrity daw ang manonood, so nakakakaba po,” aniya.

In fairness, ang daming movie projects ni Empoy dahil bukod sa Bloody Crayons ng Star Cinema na mapapanood na sa Hulyo 12 ay isusunod naman itong Kita Kita sa Hulyo 19 at may solo movie siyang gagawin na under Spring Films na Tondo Dead ang titulo.

“Inaayos po ‘yung concept na panibagong panlasa ng tao, hindi pa po tapos ‘yun,” pahayag ng aktor. “May isa pa po akong movie sa Star Cinema po, bukod sa Bloody Crayons, hindi pa po puwedeng sabihin.”

Bongga ni Empoy, nasa second quarter pa lang ng taon ay andami nang pelikula.

“Sa awa po ni Lord, hindi naman po ako nababasyo, every year naman po, meron naman talaga simula nu’ng 2003 po na nag-start ako, bale 14 years na po ako sa showbiz,” kuwento ng komedyante.

At sa14 years ni Empoy sa showbiz, may mga napundar na rin siya.

“Nakapagpundar na po ng bahay at nakapagpatapos na (ng pag-aaral), may sarili po akong bahay sa Bulacan. Dito po sa Manila, mayroon na rin po ako nabili, ‘yun po ‘yung tinitirhan ko kapag nandito ako.”

May negosyo rin si Empoy.

“Sa Bulacan, restaurant, opening pa lang ngayong Hulyo, may partners po ako. Basta may mga inaasikasong iba pa pong business.”

Hindi maluhong tao si Empoy at nagulat kami kung saan siya namimili ng mga damit niya.

“’Yung iba po sa malls, pero mas madalas sa ukay-ukay na rare, kasi walang kamukha (katulad), opo, pinapakuluan ko ng 10 hours bago ko isuot. Mas marami kasing walang katulad,” pag-amin niya.

Hindi naman mukhang ukay-ukay ang sapatos ni Empoy dahil mukhang mamahalin.

“Ano po ito, collection ko po ang shoes, mga toys po, Marvels, cards, comics po.”

Bagamat 34 years old na si Empoy, hindi pa niya naiisip na mag-asawa.

Natawa si Empoy nang tanungin namin kung may crush ba siya kay Alessandra.

“Wala po, hindi naman po sa hindi type, kasi kaibigan ko po siya at hindi ako tumatalo ng kaibigan.

“Malay n’yo mag-click itong movie at masundan pa ng ibang projects, mas maganda na po ‘yung magkaibigan kami para continuous ‘yung partnership,” katwiran ng aktor.

Nagulat si Empoy nang banggitin namin na lahat ng nakakatrabaho niya sa production mula sa utility, PA, researcher, writer, segment producer, associate producer, executive producer, program manager, business unit head ay nababaitan sa kanya kaya gustung-gusto siyang katrabaho sa TV man o sa pelikula.

Nagulat siya dahil hindi raw niya alam na may naiiwan siyang marka sa mga nakakatrabaho niya.