Ni ADOR SALUTA

IBINAHAGI ni Atty. Ferdinand Topacio sa publiko ang magandang kinalabasan ng paghaharap ng kanyang kliyenteng si Jake Ejercito at ng ex-girlfriend nitong si Andi Eigenmann sa pre-trial ng child custody case na isinampa ni Jake para sa kanilang five-year-old daughter na si Ellie.

Naganap ang paghaharap ng dalawa sa sala ni Judge Cesar Sulit ng San Juan Regional Trial Court noong June 22, Huwebes.

Ellie at Andi copy

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Salaysay ni Atty. Topacio sa PEP.ph, “Alam n’yo po, si Jake flew all the way back from Singapore. Nag-aaral po siya roon, hanggang Agosto pa ang kanyang classes.

“Bumalik siya rito para magkaroon ng paghaharap. At nandun naman po si Ms. Andi Eigenmann, dumating kasama ang kanyang abugado.

“Nandu’n din po si Ate Laarni (Enriquez, Jake’s mother). At sa pamamagitan nga po at effort ng aming huwes ay nagkasundo po sila.”

Sabi pa ni Atty. Topacio,“Masaya po ang nangyari… pero hindi ko lang po puwede ma’bigay ang mga detalye, ‘no. Pero suffice it to state, ‘yun pong kasunduan, both parties ay masaya, at ito ay katanggap-tanggap sa bawat panig.

“Sa pagkakataong ito ay matagumpay naman ang ginawa po ni Judge Sulit, sapagkat happy po, masaya po ang bawat panig sa kinahinatnan nito pong pag-uusap at pagkakasundo.”

Dahil sa gag order, ayaw ibigay ni Atty. Topacio ang buong detalye ng napagkasunduan ng kampo nina Jake at Andi.

Dahil tanggap ng magkabilang panig ang kasunduan,magpipirmahan na raw sila.

“Binigyan po kami ng kopya nu’ng pinagkasunduan, ito ay immediately effective na po, ngunit sa July 24 po ay babalik po ‘yung mga parties upang lagdaan ‘yun pong agreement.

“Pero ‘yun ay formality na lamang. Pagkatapos po nilang lagdaan ‘yun ay idi-dismiss na po ‘yung kaso.

“Para sa akin, nakuha na po namin ‘yung aming hinahangad, at ‘yun pong nasa side ni Ms. Andi Eigenmann ay okay naman po siya,” sey ng abogado ni Jake.

Ayon pa kay Atty. Topacio, nagkaroon ng pagkakataong mag-usap sina Jake at Andi na naging civil sa isa’t isa.

Naging magalang din daw si Andi sa ina ni Jake na si Laarni.

“Ang pag-uusap po nila ay ‘yung pagpapalitan lang po ng opinyon sa korte. At maganda naman po, very civil, hindi sila nag-away, maayos po ang pag-uusap.

“Nung nagkatapos na po ay si Andi Eigenmann ay nagbeso-beso kay Ate Laarni, pero parang nagkamayan lang sila ni Jake.

“Okay naman at maayos naman ang usapan. Nu’ng naghiwalay sila ay mukhang maaliwalas naman ang mukha nilang pareho.

“Masasabing tapos na po ang isyu, at inaasahang wala nang palitan ng di-magagandang pahayag sa social media.”

Dagdag pa ni Atty. Topacio tungkol sa kanyang kliyente, “Masaya po siya, sapagkat after that ay kumain kami sa restaurant ni Jerika, ‘yung Maria Maria, masaya po siya. Kinabukasan po niyan ay bumalik na siya sa Singapore, and I’m sure bumalik siyang masaya.

“Dahil si Ellie naman po talaga ang iniintindi ni Jake, eh, ‘yung best interest ni Ellie. At least po ngayon, without going to the details, magiging bahagi na talaga si Jake ng buhay ni Ellie, at wala na pong magiging question na siya nga ba ang ama ni Ellie.

“Both parties ay acknowledged na po ‘yun. Wala na pong pagtatalo du’n… wala na ‘yung Albie Casiño, o kung sinu-sino man. Tapos na po ‘yung isyu na ‘yun.”

Hindi na rin daw isyu ang suportang dapat ibigay ni Jake sa bata dahil napagkasunduan na ito sa korte.

“Napag-usapan naman po, at mula’t sapul naman po ay may suporta naman po si Ellie.

“At ngayon po, kung ano man ‘yung dating suporta ay pinalawig na po at nandu’n na po sa agreement.

“Wala naman pong problema kay Jake kung ano man ang dapat gampanan na mga tungkulin pagdating sa pananalapi bilang ama.

“Actually, ‘yun lang naman po ang hangad ni Mr. Jake Ejercito na maging klaro po, black and white, ‘yung karapatan niya bilang ama, at siyempre ‘yung karapatan din ni Ms. Andi Eigenmann bilang ina rin ng bata.

“‘Yun lang naman po ang habol po, and I’m sure ‘yun din ang habol ni Ms. Andi Eigenmann sapagkat siya ‘yung ina nu’ng bata.

“And I’m very happy for Ellie na mawala na po ang lahat ng friction. At totoo naman po ang sinasabi sa Bibliya na kung saan nasusulat na pinagpapala ang mga tagapamayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos,” pagtatapos ni Atty. Topacio.