Ni: Orly L. Barcala
Bumagsak sa mga galamay ng awtoridad ang isang lalaki, na umano’y miyembro ng carnapping syndicate, entrapment operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Paglabag sa anti-carnapping law ang isinampa laban kay Diego Gayoso, 28, ng No. 16 International Pat Cabrera Street, Daang Bangco, Barangay San Roque, Navotas City.
Una rito, Hunyo 10 ng kasalukuyang taon, tinangay ng dalawang carnapper ang motorsiklo ni Alex Riparip, Jr., 25, ng Francisco Street, Bgy. 78, Caloocan City.
Tinawagan umano ni Gayoso si Riparip at sinabing alam niya kung nasaan ang motorsiklo ng huli at ipinatutubos ng P10,000.
“Nagulat ako kung paano niya nalaman ang cell phone number ko at sinabing magkita raw kami sa Kusina Dinners Cafe sa C-4 Road, Bgy. Longos para makuha ang motor ko,” pahayag ni Riparip.
Dumiretso ang biktima kay Police Sr. Inspector Enrique Torres, hepe ng Anti-Carnapping Unit ng Caloocan Police, at nagpasaklolo.
Nagpunta ang biktima sa napagkasunduan nilang lugar ng suspek at nang iabot nito ang pera sa huli, dinamba at pinosasan na si Gayoso.