ni Marivic Awitan
Mga laro ngayon (Ynares Sports Arena, Pasig)
3 p.m. - Tanduay vs Zark’s Burgers
5 p.m. - Racal Motors vs Gamboa Coffee Mix
MAGHAHANGAD na makabawi sa natamong losing skids ang mga koponang magsasagupa ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kapwa hangad na makaahon sa magkakasunod na kabiguan ang Racal Motors at Gamboa Coffee Mix sa huling laban ganap na 5:00 ng hapon matapos ang salpukan ng Tanduay at cellar-dweller Zark’s Burgers ganap na 3:00 ng hapon.
Galing sa tatlong sunod na kabiguan, naniniwala si Racal coach Jerry Codiñera na malaking epekto ng mga pagbabago sa kanilang roster sa nilalaro ngayon ng kanyang koponan.
“Nahirapan kaming mag-adjust sa mga pagbabago. We just hope na maayos din ng mga players yung chemistry na hinahanap namin,” ani Codińera.
Bumagsak ang Alibaba sa standings buhat sa 2-0 panimula matapos dumanas ng tatlong sunod na pagkabigo, pinakahuli sa kamay ng league-leader Flying V, 94-86,.
Gayunpaman, hindi nawawalan ng pag -asa si Codińera na makakahabol sila sa top six teams matapos ang eliminations sa pamumuno nina Rian Ayonayon, Allan Mangahas, at Mac Tallo.
Aasahan naman ng Gamboa ang kanilang karanasan para makaahon sa kinasadlakang limang dikit na kabiguan.
“Ayaw namin na nagpapatalo. Dapat yung mga ganoong klase ng laro, naipapanalo namin kasi mga beterano kami. Learning process para sa amin yun, at para na rin sa akin,” pahayag ni Coffee Lovers coach Leo Avenido.
Sa unang laban, nangako namang babawi si coach Lawrence Chongson ng Tanduay mula sa natamong 104-89 pagkabigo sa Flying V Thunder.
Para naman sa katunggali nilang Jawbreakers , magtatangka naman itong makabangon sa tatlong sunod na kabiguan na natamo pagkaraang malasap ang unang tagumpay sa loob ng pitong laban.