SAMAHAN ang weightlifter na si Kim Bok Joo sa kanyang makulay na kuwento ng pag-ibig at pagpupursige sa mundo ng sports sa koreanovelang may swag at hebigat sa kilig, ang Weightlifting Fairy, simula bukas sa ABS-CBN.
Isa ang Weightlifting Fairy sa mga hit serye sa Korea at isa sa pinakaaabangan ng Pinoy asianovela fans. Unang announcement pa lang ng ABS-CBN head of Integrated Acquisitions and International Distribution na si Leng Raymundo na ipapalabas sa Kapamilya Network ang naturang serye sa Pinoy Media Congress ay todo hiyawan na ang audience. Gumawa rin ng ingay online nang ipalabas na ang promo plug.
Humanda nang ma-in love at ma-inspire sa kuwento ni Kim Bok Joo. Dahil sa pangarap ng kanyang ama, pinasok ng dalaga ang larangan ng weightlifting. Bagamat mahirap ay kakayanin niya ang lahat ng hamon mapatunayan lang ang sarili.
Ngunit kapalit ng pagiging astigin sa pagbubuhat ay siyang hina naman ng kanyang love life. Lahat sila ng kanyang teammates ay pare-parehong walang boyfriend.
Makikilala niya ang cutie at kuwelang swimmer na si Jung Joon Hyung, atleta rin na hindi makaahon sa isang pagkakamali. Minsan na kasing napahiya si Joon Hyung sa buong school nang biglang tumalon sa swimming pool sa isang competition ng wala pang hudyat.
Sa pagkukrus ng kanilang landas, matutuklasan nila na mas matagal na pala ang kanilang ugnayan at magisisimulang maging magkaibigan.
Ngunit kung kailan nahuhulog na ang loob ng simpatikong swimmer sa sigang weightlifter, saka naman titibok ang puso ni Bok Joo para sa kanyang weight loss doctor na si Jung Jae-Yi na kapatid pala ni Joon Hyung.
Saan hahantong ang kanilang love story? ‘Pag fit ba sa friendship ay fit na rin umibig? Paano ipaglalaban ni Joon Hyung ang kanyang pag-ibig? Paano pagsasabayin ni Bok Joo ang weightlifting at ang pag-ibig? Ano ang dapat gawin kung ang love na pinagkukunan nila ng lakas para lumaban ay siya rin pala nilang kahinaan?
Huwag palalampasin ang koreanovelang may swag at hebigat sa kilig, ang Weightlifting Fairy, simula Lunes (July 10), pagkatapos ng A Love To Last.