Nina NESTOR L. ABREMATEA at BEN R. ROSARIO

KANANGA, Leyte – Sinabi ni Kananga, Leyte Mayor Rowena Codilla na magsisilbing malaking aral sa kanyang mga nasasakupan ang lindol na nagpaguho sa ilang gusali sa kanyang bayan, at magiging gabay nila ang nangyaring trahedya upang mapaigting pa ang mga paghahanda laban sa lindol.

Sa press conference, sinabi ni Codilla na matagal na silang nagsasagawa ng mga disaster drill sa Kananga, ngunit labis pa rin nilang ikinagulat ang lindol na yumanig sa kanilang bayan nitong Huwebes ng hapon.

“It is a different matter when you really experience the real one. We have been holding disaster drills and it is really different when the real come happen,” sabi ni Codilla.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Aniya, ang lindol na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng 37 iba pa sa Kananga ay magsisilbing gabay nila upang mapaigting pa ang paghahanda nila laban sa lindol.

Sinabi ng alkalde na naging eye opener para sa Kananga ang nangyaring lindol.

Kasabay nito, nagpasalamat si Codilla sa tulong na bumuhos sa Kananga, partikular ang mga nag-rescue sa mga taong naipit sa Quedda Building, na gumuho sa magnitude 6.5 na lindol sa Jaro pasado 4:00 ng hapon nitong Huwebes.

Sa kabuuan, dalawang katao ang nasawi at 104 ang nasugatan sa lindol sa buong rehiyon.

TIBAY NG IMPRASTRUKTURA

Kaugnay nito, ipinanukala naman kahapon ng kongresistang chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang pagtatatag ng isang ahensiya na magsusuri sa tibay ng mga gusali ng gobyerno at ng iba pang pampublikong istruktura laban sa malakas na lindol, gaya ng yumanig sa Leyte kamakailan.

Sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na dahil ilang beses nang niyanig ng malakas na lindol ang bansa sa nakalipas na mga buwan, obligado ang gobyerno na matiyak ang kahandaan ng publiko laban dito.

Hinimok ni Castelo si Pangulong Rodrigo Duterte na magtatag ng Public Infrastructure Assessment Commission na magsasagawa ng masusing assessment sa tibay ng mga pampublikong gusali at imprastruktura bilang paghahanda sa pinangangambahang “The Big One” sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan.

“The series of earthquakes we have been experiencing had shown that some government buildings and public infrastructure, including roads, bridges, airports, ports, and school buildings are not structurally sound to withstand a 7.2-magnitude earthquake,” ani Castelo.

‘DI SAPAT ANG QUAKE DRILLS

Sa kanyang panukala, sinabi ni Castelo na dapat na may mga structural engineer at iba pang eksperto ang ahensiya mula sa pampubliko at pribadong sektor.

“It’s not enough that we educate our people about earthquake readiness and prepare them by conducting regular drills,” paliwanag ni Castelo. “More than anything, we have to ensure the structural integrity and soundness of government buildings.”