Ni Bella Gamotea
Arestado ang tatlong lalaki na nakuhanan ng 4.6 kilo ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P11 milyon, sa buy-bust operation sa condominium sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Chief Insp. Kimberly Molitas, isinasailalim sa masusing imbestigasiyon ang mga suspek na sina Darwin Lazarte y Sabangan, Junmar Gopo y Conado, at Eugene Ludovice y Jerao, na pawang nasa hustong gulang.
Nagsagawa ng follow-up anti-drug operation at buy-bust operation ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District laban sa mga suspek sa ikalawang palapag ng El Pueblo 1 Condominium, Quezon City, dakong 12:10 ng madaling araw.
Nagpanggap na buyer ng shabu, sa halagang P6,000, ang isang pulis at bumili sa mga suspek sa lugar.
Hindi na nakapalag ang tatlo nang posasan ng awtoridad nang mahuli sa aktong inaabot ang droga sa buyer.
Narekober ang limang transparent bag na naglalaman ng umano’y 4.6 kilo ng shabu at ang P6,000 buy-bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa DDEU at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.