Ni: Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY- Inaresto ng pulisya nitong Biyernes ang convicted priest killer na si Norberto Manero, dahil sa isa pang kaso ng pagpatay noong 2010.

Sinabi ni Supt. Elmer Guevarra, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 12, na inaresto si Manero, alyas Kumander Bukay, sa loob ng CIDG headquarters sa GenSan matapos nitong tangkaing iberipika ang isang nakabimbing kaso laban sa kanya.

Ayon kay Guevarra, hindi umano pumalag si Manero, 71, nang ipakita rito ng mga taga-CIDG ang kopya ng arrest warrant na ipinalabas ni Regional Trial Court Judge Andres Lorenzo laban dito noong Hunyo 2010.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Manero went to our office to secure clearance after he learned he has a pending case with our office,” sabi ni Guevarra.

Hinatulan sa pagpatay sa paring Italyano na si Tulio Favali noong 1985, sinabi ni Guevarra na nahaharap si Manero sa mga kasong murder at frustrated murder kaugnay ng isang away sa lupa noong 2010.

Pinangunahan ni Manero ang grupong vigilante na Ilaga laban sa mga rebeldeng Muslim at komunista noong dekada ’70 hanggang sa unang bahagi ng 1980.

Nasentensiyahang makulong nang habambuhay, tumakas si Manero sa Davao Penal Colony noong 1992, na natuklasan lamang nang mamataan siyang dumalo sa campaign rally ng noon ay kandidato sa pagkapangulo na si Fidel Ramos.

Taong 1999 nang bigyan ni Pangulong Joseph Estrada ng pardon si Manero, ngunit binawi ito ni Pangulong Gloria

Macapagal-Arroyo noong 2000 makaraang makumpirma ng Malacañang na may nakabimbin pang kasong murder si Manero.

Inaresto siya noong 2001, ipiniit sa Alabel, Sarangani, ngunit nakatakas makalipas ang ilang buwan, hanggang sumuko sa Davao Penal Colony at tuluyang napalaya noong 2008.