Ni: Bella Gamotea
Tatlo hanggang pitong araw pa ang hihintayin bago tuluyang maibalik ang tuluy-tuloy na supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Visayas, na nakaranas ng malawakang blackout kasunod ng 6.5 magnitude na lindol na tumama sa Jaro, Leyte, nitong Huwebes.
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Energy (DoE) Secretary Alfonso Cusi matapos ang aerial at ground inspections sa mga power plant, kabilang ang mga geothermal facility, gaya ng 180-megawatt (MW) na Majanandog Geothermal Power Plant (GPP), 230-MW Malitbog GPP, 120-MW Tongonan GPP, at 120-MW Upper Majiao GPP, na pawang napinsala sa nasabing pagyanig.
Ipinabatid nina Energy Development Corp. (EDC) President Ricky Tantoco at Vice President Lito Santos kay Cusi ang mga problemang idinulot ng lindol, at ang mga ginawang hakbangin upang resolbahin ang mga ito, kasama na ang pagkasira ng Malitdog cooling tower, ng planta sa Tongonan, pagguho ng lupa sa Majandog, at pahirapang pagtungo sa Majiao.
Dahil sa lindol, napinsala ang tanggapan, transformer at ang mismong planta ng Tongonan. Para sa 120 megawatts, target nitong makapaghatid ng 40MW sa pito hanggang walong araw at panibagong 40MW naman sa Setyembre 1, at ang huling 40MW sa loob ng 50 araw.
Ang Tongonan GPP ay direktang nakakonekta sa 138 kilovolt transmission line na pinangangasiwaan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Nabatid na ang Malitbog GPP ay makapaghahatid naman ng 150 MW sa Martes, Hulyo 11, sa mga lugar sa Samar at Ormoc City, na nagtamo ng bahagyang sira.
Ang mga planta ng Malitbog, Majanandog, at Majiao ay nagsu-supply ng kuryente sa pamamagitan ng marshaling station, na nasira rin ng lindol.