Ni REGGEE BONOAN

SA pamamagitan ng Double Barrel na idinirek ni Toto Natividad under Viva Films, umaasa si Jeric Raval na babalik na ang action movies.

Ito naman kasi talaga ang forte ni Jeric, bakbakan kaysa drama at comedy, kaya nga sumikat siya noong 90s sa mga pelikulang Bunso, Isinilang Kang Palaban, Pagganti Ko Tapos Kayo, Tawagin Mo Ang Lahat ng Santo, at marami pang iba sa OctoArts Films.

“I’m looking forward to it na muling tangkilikin at sa pamamagitan ng pelikulang Double Barrel, eh, mabuhay muli ang pelikulang aksiyon,” sabi ni Jeric.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Curious kami sa youthful look ni Jeric kaya inalam namin kung ano ang sekreto niya.

“Siguro dahil wala lang akong bisyo,” sagot niya. “Hindi ako naninigarilyo, eversince hindi talaga kasi ayoko ng smoke, hindi mo nga ako makikita sa bar noong araw, siguro kung makita mo man ako, isang oras lang at saka ayoko talagang manigarilyo kasi para akong ina-asthma.

“Hindi rin ako umiinom kasi nai-intoxicate ako ‘pag sobra, halimbawa nakaapat na beer ako hindi ako makahinga. Hindi para sa akin ang alak at sigarilyo.”

Bakit ang kinis ng mukha niya? Parati ba siyang nagpapa-derma.

“Wala, ordinary soap lang, saka nakita ko, mahabang tulog, eh. More than eight hours ako matulog, lampas pa. Maliban lang kung puyat lalo na ‘pag may taping na inumaga kami ‘tapos ang susunod na schedule ay umaga rin, wala, no choice ka. ‘Pag may oras lang, hayun, tulog kami,” kuwento ng aktor.

“Hindi lang ako masyadong kumakain ng fatty food, more on gulay, saka marami ako kumain, hindi lang ako tabain. Hindi rin ako nagwo-work out.

“Nu’ng dating nasa OctoArts ako, nagwi-weights ako, nagi-gym ako, eh, hindi naman lumalaki katawan ko, so sabi ko, ayaw ko na mag-gym, napapagod lang ako.”

Samantala, anim na taon palang naging staff ni Senator Lito Lapid sa Senate si Jeric.

“I’m one of his consultants at that time, doon ako sa social affairs saka public services,” sambit ng action star.

May plano ba siyang pumasok sa pulitika?

“Wala, wala! Magastos ‘yun at saka naniniwala ako na kapag may ginawa kang mabuti, after six o seven years, limot na ng ibang tao, so kung gagawa ka ng mabuti, gawin mo na lang kahit hindi ka kakandidato kasi ang credit no’n nasa Itaas, hindi naman dito,” sagot ni Jeric.

Forty-two years old na si Jeric Raval.

“Real age ko, 1975 ako, eh,” at sinabi naming hindi halata dahil pinagbubulungan ng entertainment press na nasa presscon na hindi nagkakalayo ang itsura nila ni Ali Khatibi (asawa ni Cristine Reyes). “Sabi nga nila,” natawang sambit ng aktor.

Ilan na ang anak niya?

“Anak ko ay walo,” mabilis na sagot sa amin.

Pero hindi iisang babae ang ina ng mga anak niya.

“’Yung tatlo, sa iba, at matagal na kaming wala nu’n. Pumasok ako sa showbiz, may asawa na ako (wife niya hanggang ngayon), pero at that time, wala pa kaming anak no’n, at nakaapat kami at ang bunso namin 8 years old, pero humabol lang ‘yun,” kuwentong aktor.

Nagulat kami nang ipakilala sa amin ang dalagang si Janina Carly Buensuceso na napagkamalang girlfriend niya.

“Kanina nga, akala girlfriend ko o asawa ko, bunso namin ni Monica. Sabi ko, anak ko ‘yan. Maloko ako nu’ng araw, di ba, away-bati,” tumatawang kuwento ni Jeric, sabay sabing, “Mag-aartista rin siya (Janina), contract star ng Viva.”

Hirit namin,handa na ba sa mga intriga ang anak at si Jeric?

“Oo, handang-handa na, alam na niya gagawin niya, kayang-kaya na niya ‘yun.”

Ngayon ay going straight na raw siya at career na lang ang inaasikaso niya.

“Sabi nga, as we grow old, (matino na).”

Maganda ang kuwento kung paano nakabalik si Jeric.

“Nakita nila ako sa Deal or No Deal, regular ako ro’n, mga isang taon ‘tapos binigyan ako ng project na Magpahanggang Wakas (pinagbidahan nina Jericho Rosales at Arci Muñoz), ‘tapos nabigyan ulit ako nu’ng sa amin nina Pokwang, We Will Survive and after that, nabigyan ako ng Ang Probinsyano.

“Kasi meron akong movie noong 2015, Manila’s Finest ng Viva Films, kaya nagsunud-sunod na ang projects ko sa ABS (CBN) pati ng Viva. Ngayon, ang manager ko Viva, five years contract. Pero nagsimula ako sa OctoArts kay Boss Orly Mercado, five years contract din, ‘tapos kay Dondon Monteverde, five years din,” kuwento ng aktor.

Namimili siya ng project.

“Ayoko kasi ‘yung palalabasing matanda na ako o naka-wheelchair na ako, gusto ko as it is pa rin. Kasi kung si Tito Eddie Garcia nga, matanda na pero nag-a-action pa rin. Gusto ko ganu’n,” paliwanag ni Jeric.

Kasama rin si Jeric sa Ang Panday movie ni Coco Martin na entry sa Metro Manila Film Festival 2017.

Mapapanood ang Double Barrel sa Agosto 2 mula sa direksiyon ni Toto Natividad na pagbibidahan nina AJ Muhlach, Phoebe Walker, at Ali Khatibi.