IBINASURA ng Korte Suprema ang tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng Proclamation No. 216 ni Pangulong Duterte na nagdedeklara ng batas militar sa Mindanao kasunod ng pag-atake ng Maute sa Marawi City noong Mayo 23. Labingtatlo sa 15 mahistrado ang bumoto upang ibasura ang nasabing mga petisyon, tatlo naman ang pabor na limitahan ang lugar na saklaw ng proklamasyon, at isa ang bumoto laban dito.
Malinaw na tinatanggap ng korte ang paninindigan ng gobyerno na tunay ngang rebelyon ang sentro ng krisis sa Marawi City at bahagi ito ng plano upang magtatag ng caliphate ng Islamic State sa bansa at tuluyan nang tumiwalag sa Republika ng Pilipinas.
Mahigit pitong linggo na ang nakalipas simula nang kubkubin ang siyudad noong Mayo 23 at wala pang katiyakan na magwawakas na ito. Maraming dayuhang mandirigma na nauugnay sa Islamic State na nakikipagbakbakan din sa Syria at Iraq ang napatay sa Marawi. Walang dudang rebelyon ang nangyayari sa Marawi City, at hindi simpleng banta lamang, at hindi rin ang karaniwang gawain ng terorista gaya ng dati na nating nasaksihan.
Ngayong napagdesisyunan na, pagtutuunan naman ng Korte Suprema ang dalawa pang petisyon na nag-oobliga sa Kongreso na magdaos ng joint session upang makatupad sa batas: “The Congress, voting jointly, by a vote of at least a majority of all its members, in regular or special session, may revoke such proclamation or suspension, which revocation shall not be set aside by the President.”
Sinabi na ng mga pinuno ng Kongreso — sina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III at Speaker Pantaleon Alvarez — na hindi na kailangang magkaroon ng joint session dahil walang hangad ang mga miyembro ng Kongreso na pawalang-bisa ang proklamasyon ng pangulo. Gayunman, ipinalagay lamang nila ito. Hanggang sa walang aktuwal na sama-samang pagboto at partikular na pagtukoy sa desisyon ng mayorya, hindi malalaman ang opisyal na pasya ng mga kasapi ng Kongreso.
Alam na marahil ng mga pinuno ng Kongreso kung ano ang paninindigan ng mga miyembro nito tungkol sa proklamasyon ng presidente ng batas militar. At malaki ang posibilidad na pagsasamahin ng mga miyembro ng Kongreso ang kanilang boto upang suportahan ito. Ngunit hindi aksidente lamang ang paggawa sa probisyong ito ng batas. Naniniwala tayong layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang sinumang nais tumutol o magsalita laban sa deklarasyon ng batas militar at malayang maipaliwanag sa publiko at sa buong bansa ang kanyang posisyon.
Sa mga susunod na taon sa republika nating ito, isang presidente na may motibo na hindi kasing tapat ng kasalukuyan nating Pangulong Duterte ang maaaring maluklok at magdeklara ng batas militar. Hindi naman natin hahangaring samantalahin ng mga kakampi sa Kongreso ng diktador na ito ang kasalukuyang kawalang aksiyon ng ating Kongreso at tukuyin ito bilang isang halimbawa.
Kaya naman inaantabayanan natin ang pag-aksiyon ng Korte Suprema sa dalawa pang petisyon na kailangan nitong pagpasyahan — sa usapin kung dapat nga bang sama-samang bumoto ang Kongreso sa isang joint session kaugnay ng deklarasyon ng batas militar.