DALA marahil ng sobrang galit ng ama ni Ella Cruz kaya napagbantaan niya si Xian Gaza na humihiling ng coffee date kay Erich Gonzales sa pamamagitan ng billboard sa Morayta, Manila.
Naging maingay ang pangalan ni Xian Gaza, CEO ng negosyong dito at sa ibang bansa, dahil sa mga ipino-post nito sa kanyang Facebook account tungkol sa sarili.
Kaya natuklasan na marami na palang artistang nakilala si Xian, kasama na si Ella Cruz na nakatransaksyon ang magulang nito sa pagbili ng second hand na Fortuner.
Iba pa ‘yung kay Liza Soberano na nakilala rin ni Xian at nakasosyo rin sa coffee business ang manager ng aktres na si Ogie Diaz, pero kaagad din itong bumitaw sa transaksiyon at naibalik naman ang capital na may tubo pa.
Going back sa tatay ni Ella na si Ginoong Tantan Cruz, ipinost niya sa kanyang Facebook account na may parehong pangalan ang tsekeng ibinayad sa kanya ni Xian na nagkakahalaga ng P650,000.
Kuwento ni Ginoong Tantan Cruz, “Xian Gaza, kung 2 gives ang usapan natin sa Fortuner, e, di sana hindi buo ‘yung amount ng check mo sa ‘kin, di ba? Sana din sinabi mo sa ‘kin na may nakita kang 500-550K na 2007 Fortuner para nabili ko, sayang ‘yun, kikita ako. Alam natin na hindi ‘yan ang mga reasons mo sa ‘kin dati. Nasa akin pa conversation natin, so sana sinabi mo na lang ang totoo. E, kaso hindi, eh. Pinalabas mo pang masyadong mahal ang pagkakabili mo sa oto kaya na-realize mo na ‘wag na lang pondohan. Hindi utak ng CEO ang ipinakita mong utak sa ‘kin!”
At may karugtong pang, “Issue pa lang natin ‘to, wala pa ‘yung gamit mo sa name ni Ella para makahingi ka ng downpayment kay Ryan from Qatar na di mo naman naibigay kay Ella. Kaya ko pagpantayin ang mga paa mo kung lalo mo pa ako pasasamain sa mga reasons mo kaya tumahimik ka na lang kesa patuloy ka manloko, isipin mo din anak mo!”
Marahil ay napag-isip-isip ng daddy ni Ella na may pagbabanta ang sinabi niya kay Xian, at posible siyang sumabit kapag may nangyari sa taong ito na kaliwa’t kanan na ang nagagalit ngayon.
Kaya as of this writing, wala na ang post ni Ginoong Tantan Cruz sa Facebook.
Sinilip naman namin ang FB post ni Xian Gaza na ipinagtanggol naman ang sarili sa alegasyon ng ina ni Ella na si Ms. Jessica Cruz na-scam din daw sila dahil sa sinasabing bentahan ng Fortuner. Nabanggit pa na ginamit ang anak niyang aktres.
Ang post ni Xian, “Please allow me to clean my name and my reputation over the false allegations of Madam Jesica Cruz against me.
“Sobrang sakit lang sa akin na after mong ibigay at ibuhos ang kabutihang loob at pagmamahal sa kanilang pamilya ay aakusahan kang isang scammer at stalker to the national public. It was clearly quoted from the article of pep.ph that Ella Cruz officially acknowledged me as a former legitimate business partner of the family pero noong sobrang pumutok na ang#CoffeeWithErich billboard ko and so with my name ay bigla na akong naging ‘scammer with a monkey business’.
“Ano pong kinalaman ng billboard ko sa inyong pamilya? Hindi naman po iyon #CoffeeWithElla, diba? Ang hirap kapag ang umakusa sa iyo ay ina ng isang kilalang artista dahil napakataas ng credibility nito sa mata ng publiko.
“Automatic ay sisintensiyahan ka ng lahat ng tao nang walang kalaban-laban.
“Alam niyo po kung gaano ako nagpakatanga at gaano lubusang minahal ang anak ninyo noon. Puros kabutihan po ang ipinamalas ko sa inyong buong pamilya.
“I didn’t scammed your family, it was a failure to execute not a fraudulent act and paid Php50,000 as damages over the failed Toyota Fortuner deal. Yes, sumablay po ako at aminado po ako doon kaya nga po ako nagdanyos diba?
“Higit po sa lahat ay HINDI PO AKO ISANG STALKER. Sana’y linisin niyo po ang pangalan ko sa mata ng publiko dahil ang maling alegasyon po ninyo ay sobrang sinira ang reputasyon at pagkatao ko.”
Nag-post si Xian sa Facebook ng photos na magkakasama at masaya silang kumakain at lumalabas nina Ella kasama ang Mama Jessica nito.
Bukod pa sa kuhang video na magkasama sila sa bangka at magkatabi pa sina Xian at Ella na ang gaganda ng mga ngiti.
Mukhang mahaha pa ang tatakbuhin ng palitan ng mga akusasyon nila. Subaybayan pa natin.